Abante Tonite Interactive

Naghasik ng lagim sa Baclaran Day: 11 sinuyod ng toyota fortuner

690

Sugatan ang labing-isang katao na kinabibilangan ng 8 deboto nang araruhin ng rumaragasang sports utility vehicle (SUV) na nawalan umano ng preno sa harapan ng Baclaran Church kung saan ‘Araw ng Baclaran’ kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Agad na naisugod sa San Juan De Dios Hospital ang mga biktimang sina Leo Sabelano, Marilyn Lucero, Elizabeth Lidang­co, Francis Blando, Rosemarie Hapson, Bryan Qualis, Divine Grace Lumang, Analyn Rupersado, Sepronio Gandill, Cherry Bee Blando at Paldo Frances Padu, na pawang nasa hustong gulang at kapwa nagtamo ng mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Nabatid na walo sa biktima ay galing sa simbahan ng Baclaran nang mangyari ang sakuna.

Kaagad namang sumuko sa mga awtoridad ang driver na si Allan Respecia, taga-Tondo.

Sa report ng Parañaque City Traffic Bureau, alas-9:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng gate ng Baclaran Church, Redemptorist Road, Barangay Baclaran.

Ayon kay Police Major Jolly Soriano, hepe ng Police Community Precinct (PCP) 1, minamaneho ni Respecia ang itim na Toyota Fortuner na may plakang RPM-55 nang hindi nito nakontrol ang preno dahilan upang mabangga nito ang ilang pedestrian na galing sa pagsisimba at ilang vendors sa nasabing lugar.

Sa lakas ng impact, nabangga rin nito ang isang Mio motorcycle na may plakang P0401019998, Sniper motorcycle (902997611), Mio black (13030892765), 1 Kymco motorcycle (13030572167), isang passenger electric bike at 3 vendor’s cart.

Kaagad namang naisugod ang mga biktima ng mga rescue team sa nasabing pagamutan kung saan patuloy pa ring nakaratay ang mga ito.

Patuloy pa ring nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad habang sasampahan ang driver ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and da­mage to property. (Armida Rico)