Abante Tonite Interactive

Naglalakad sa mahabang pasilyo

120

Nanaginip akong nag­lalakad sa isang mahabang pasilyo, tila walang katapusan at hindi ko alam kung hanggang saan, kung gaano kahaba ang nilalakaran ko. Nakakapagod ang pakiramdam dahil wala akong ibang puwedeng puntahan kundi dumiretso.

Ang pasilyo ay simbolo ng landas na tinatahak o tatahakin mo pa lamang sa iyong buhay.

Ang pa­naginip mo na naglala­kad ka sa mahabang pasil­yo ay nagpapahiwatig na nasa isang transisyon ang iyong buhay. Papasok ka sa isang landas na hindi mo pa kabisado.

Ang iba’y ipinapaka­hulugan at ikinokonekta ito sa isang pagkamulat, maaaring emosyunal o ispiritwal.

Kabilang sa mga simbolo ng transisyon ang pasilyo, tunnel, kuweba o butas o anumang daan at kadalasang hindi mo nakikita kung saan ito hahantong, kung hanggang saan ang iyong la­lakbayin.

Ang napanaginip mong pasilyo ay maaa­ring maipakahulugan na sa tunay na buhay ay hinahayaan mong kontrolin ng isang tao ang direksyon ng buhay mo. Ang taong ito ay gumagabay o maaaring nagdidikta sa iyo. Kung sa panaginip mo ay walang ibang tao sa pasilyo, makipot ito at pakiramdam mo’y nasisiki­pan ka, maaaring nagrerebelde na ang kalooban mo sa dikta ng taong ito.

Related Posts

Ang isang mahaba at madilim na pasilyo ay nagpapakita ng nararanasan mong insecurity at pagkabalisa. Kung hindi ka makaalis sa pasilyong ito, indikasyon ito na may pinagdadaanan ka pang mga balakid.

Maaaring nag-iwan sa iyo ng lalo pang pag-aalala at negatibong impresyon ang iyong panaginip pero mas makabubuti na sa halip na katakutan ay ituring itong isang paalala.

Kailangang maging mas mapagbantay at balansehin ang bawat pagdedesisyon. Ikonsidera muna ang mga posibilidad bago gumawa ng iba pang hakbang.

Walang ibinabadyang trahedya ang iyong pana­ginip kaya hindi ito dapat ipangamba.

Gayunpaman, bigyan pa rin ang sarili ng pagkakataon na makapag-enjoy at makapagrelaks upang maalis ang pakiramdam na nasasakal ka sa iyong kinalalagyan.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating pa­naginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispi­ritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.