Abante Tonite Interactive

Nagnakaw sa bahay ng pulis tinodas

By
2,034

Napatay ng mga awtoridad ang isang miyembro diumano ng Akyat-bahay Gang matapos pagnakawan ang tahanan ng isang pulis sa Brgy. Lower Bicutan, Taguig City kahapon nang mada­ling-araw.

Dahil sa ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, namatay noon din ang suspek na kinilalang si Michael Jay Dela Cruz alyas ‘MJ’, nasa hustong gulang, miyembro umano ng isang grupo ng akyat-bahay na ‘Carl Gonzales robbery group’ na nagsasagawa ng kanilang iligal na gawain sa Taguig at Parañaque City.

Ayon sa report na natanggap ni Senior Supt. Alexender Santos, hepe ng Taguig Police, bandang alas-5:45 nang hapon noong Huwebes ay ninakawan ng ang bahay ni PO1 JC Mar Pahitong sa 439 Purok 6-B, MLQU St., Brgy. Lower Bicutan.
Natangay ang isang 9mm Glock 17, cash at cellphone ng pulis.

Abante Hiring – IT dep

Alas-11:00 nang gabi kamakalawa, nakatanggap ng impormasyon ang Taguig Police na sangkot diumano sa naturang pagnanakaw ang suspek na si Dela Cruz.

Bandang alas-3:10 nang madaling-araw kahapon ikinasa ng mga pulis ang follow-up ope­ration sa lugar ng suspek sa Block 1, Purok 13, Brgy. South Daang Hari, Taguig.

Naabutan ng mga pulis ang suspek pero pinaputukan umano nito ang mga awtoridad na tumutugis sa kanya pero hindi naman tinamaan. Nagkapalitan ng putok hanggang sa bumulagta ang suspek.

Hindi na narekober ng mga pulis ang baril ni PO1 Pahitong, na nakatalaga sa Police Community Precinct 3 ng Taguig Police.