Abante Tonite Interactive

Nagpa-lipo natsugi

0 528

Nasawi ang isang negosyanteng ginang makaraang sumailalim sa liposuction sa dalawang doktora sa isang klinika sa Makati City kamakailan.

Makalipas ang tatlong araw ay binawian ng buhay ang ginang na nakilalang si Nory Bobadilla, 43-anyos, may asawa, negos­yante, tubong Villa Santa Maria Subd., Binalbagan, Negros Occidental matapos lapatan ng lunas sa Intesive Care Unit (ICU) ng Parañaque Doctor’s Hospital matapos itong ma-comatose.

Sa report ni P/Maj. Gideon Ines Jr., hepe ng Crimes Against Person Section ng Makati City Police, alas-10:00 ng umaga nang magtungo ang pamilya ng biktima sa kanyang tanggapan upang magsampa ng reklamo laban sa dalawang doktora na nakilalang sina Claudine S. Roura at ang anesthesiologist na si Katrina S. Bulseco, kapwa doktora sa Contours Advanced Face and Body Sculpting sa 2nd Floor, South Park Plaza, Paseo De Magallanes ng naturang lungsod.

Abante Hiring – IT dep

Dahil dito nakatakdang sampahan ng Makati City Police ang dalawang doktora ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide sa Makati Prosecutor’s Office

Ayon kay Ines, noong Hunyo 26 ay nagtungo na ang biktima sa nasabing klinika upang magpa-liposuction ng kanyang tiyan at baywang.

Muli itong bumalik nitong Hulyo 3 at inumpisahan nang isagawa nina Roura at Bulseco ang operasyon.

Aniya, nang umpisahan na ang procedure sa biktima at turukan ito ng anesthesia ay nawalan na umano ito ng malay.

Nang hindi na magising ay agad itong isinugod sa nasabing pagamutan upang i-revive. “Na comatose ang biktima at tatlong araw siya sa ICU at makalipas nito ay binawian ng buhay noong Hulyo 6,” ani Ines.

Bunga ng insidente’y nagtungo ang pamilya ng biktima sa tanggapan ng Makati City Police at inireklamo ang dalawang doktor.

Kinuwestiyon naman ni Police Maj. Ines sina Roura at Bulseco kung bakit sa Parañaque Hospital itinakbo ang biktima kahit na mas malapit ang Makati Medical Center upang agaran itong malapatan ng lunas.

Ayon sa dalawang doktora ay ang Parañaque Hospital lamang ang accredited ng kanilang klinika kaya doon nila isinugod ang biktima na ang negosyo ay mga comestic product.

Sinabi pa ni Ines na nangako naman ang dalawang doktora na tutulungan nila sa gastusin sa ospital at pagpapalibing ang pamilya ng biktima. Anila’y ikinalungkot din nila ang nangyari.

Sinubukan namang kunan ng panig ng Abante ang dalawang doktora pero sarado ang kanilang clinic at ‘di rin ito matawagan sa telepono. (Armida Rico)