Abante Tonite Interactive

Nagpakalat ng fake news, puwede nang habulin

256

Nakumpirma na kung sino ang grupong nagpapakalat ng mga fake news sa Pilipinas lalo na ang laban sa mga bumabatikos sa administrasyong Duterte.

Ito ay matapos matukoy ng head ng cyber security ng kompanyang Facebook na ang digital marketing group na Twinmark Media Enterprises ang siyang utak sa pagpapakalat ng mga fake news sa bansa.

Dahil dito ay inalis na ng Facebook dahil sa paglabag sa kanilang polisiya ang 220 pages, 73 FB accounts at 29 Instagram accounts na nakalikha ng 4.3 mil­yong followers.

Ngayong natukoy na ng Facebook ang kompanyang nasa likod ng pagpapakalat ng fake news ay makabubuting ito ay sampahan ng kaso.

Imbestigahan kung sino ang mga taong nasa likod ng digital marketing group upang agad na kasuhan at papanagutin sa batas.

Ating hinihikayat ang mga taong na­ging biktima ng fake news na naapektuhan ang kanilang buhay at imahe na sampolan ang mga ito na makasuhan at mapanagot sa batas.

Dapat ay ibinunyag sa publiko ang mga pangalan ng mga nangangasiwa ng Twinmark Media Enterprises para makasuhan.

Sa kabutihang pa­lad ay kumilos na rin ang pamunuan ng Facebook at nililinis na ang mga nagpapakalat ng fake news.

At sa ating paniniwala ay malaking halaga din ng salapi ang kinita ng mga taong nasa likod ng fake news o mas kilala sa tawag na troll.

Silipin din ng BIR kung ano ba ang negosyo nito at kung nakapagbayad ba ng tamang buwis ang mga nasa likod nito.

Bagama’t alam natin na may posibilidad na hindi mapapanagot ang grupong ito sa batas dahil sa paniniwalang ang mga nakinabang sa kanilang pagpapakalat ng fake news ay ang kakampi ng administrasyon pero manalig na lang tayo na ang sangay ng hudikatura ay patuloy na pumapanig sa tama at parurusahan ang lumalabag sa batas.