Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nagpanggap na mga opisyal ng PNP, Army: 10 timbog

0 260

Arestado ang 10 lalaki na nagpakilalang mga heneral ng Philippine National Police (PNP) at opisyal ng Philippine Army (PA) para malusutan ang mga checkpoint at health protocol na ipinatutupad sa San Jorge, Samar, Hunyo 5 ng gabi.

Ang mga suspek ay ipinakilala ang kanilang mga sarili na sina P/Maj. Gen. Jose Suarez, Gen. Galma Arcilla, Brig. Gen. Errole Enverga, Lt. Gen. Albert Verba, Maj. Gen. Francis Sagum, at Brig. Gen. Jovencio Valera.

Samantala, ang apat naman nilang kasamahan ay nagpakilalang sina Army Capt. Edwin Gumarang Jr., Master Sgt. Jomar Borja, Private Robin Siso at James Patrick Reyes.

Nakuhanan din umano sila ng apat na hindi lisensyadong baril gayundin ang magazine at bala ng mga ito.

SM food to go Banner Ad

Sa ulat ng pulisya, nasakote ang mga suspek dakong alas-6:30 ng gabi sa isang police checkpoint sa Barangay Poblacion 1 ng nabatid na bayan. Lulan ng dalawang sasakyan ang mga suspek nang parahin ng mga pulis na nagbabatay doon.

Nagpakilala ang mga suspek na mga heneral ng PNP at mga opisyal ng Army sabay pakita ng travel documents mula umano sa Malakanyang.

Sa pagtatanong ng mga pulis ay nagduda na sila dahil paiba-iba ang sinasabi ng mga suspek at nang kanilang kumpirmahin sa PNP command center ang mga nasabing pangalan ay lumabas na mga peke ang mga ito.

Sinampahan na ang 10 ng mga kaukulang kaso at nakakulong na sila sa San Jorge Municipal Police Station detention cell. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.