Abante Tonite Interactive

Nagpapakuha ng litrato

970

Napanaginipan kong may mga kasama raw ako at nagpapakuha kami ng litrato. Nakatayo kami sa isang lugar at may photographer sa harap namin na siyang nagdidirek kung ano ang dapat naming i-pose. Paggising ko hindi ko na matandaan kung sino ang mga kasama ko at kung bakit kami nagpapakuha ng litrato.

Ang iyong pana­ginip ay maaaring indikasyon na may sitwasyon kang pinagdaraanan kung saan pakiramdam mo ay hindi ka nagiging totoo sa iyong sarili. Sa isang photoshoot, kadalasang sumusunod tayo sa sinasabi ng photo­grapher tulad halimbawa kung saan dapat nakaharap at kung kelan dapat ngumiti. Kung hahanapan ng koneksyon ang iyong napanaginipan sa iyong aktuwal na buhay, maaaring nagpapakita ito na nararamdaman mong anumang ginagawa mo ay tila ac­ting lamang. Hindi mo magawa ang gusto mo at maaaring may ibang taong nasusunod at nagdidikta sa iyong dapat gawin.

Kung ganito ang sitwasyon mo sa aktu­wal na buhay, ang iyong subconscious ay nagpapaalala na nahihirapan at maaring nasasakal ka na hindi mo mailabas ang iyong totoong saloobin. Maaaring napi­pigilan ang mga ideya mo dahil kaila­ngan mong makibagay at sumunod sa agos.

Related Posts

Ang iyong panaginip ay maaaring paalala ng iyong subconscious na kailangan mong magpakatotoo dahil mahirap kumilos nang tila lagi kang nasa harap ng camera. Anuman ang sitwasyon, sikapin mong maipasok ang iyong tunay na personalidad at hindi lamang ipakita kung ano sa palagay mo ang ini-expect sa iyo ng mga tao. Dahil kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, mas madali kang makakaramdam ng stress.

Kung sa iyong ­pa­naginip ay nakita mo ang camera, ­itinuturing naman itong good omen at ipinapakitang ­nakapokus ka sa mga natutuhan mo sa bawat pangyayari sa buhay mo at ­maging sa iyong ­nakaraan. ­Nagpapaalala ang iyong ­subconscious na batid mo na anumang karanasan mo sa ­nagdaan ay may malaking impact sa nalalapit na hinaharap.

Gamitin ang iyong panaginip para matimbang kung anuman ang iyong nararanasang sitwasyon sa kasaluku­yan. Gawing basehan ang iyong panaginip para magpakatotoo sa iyong sarili. Alalaha­ning hindi mo mapapasaya ang lahat at kung patuloy itong gagawin, sarili mo ang unang mahihirapan.
***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispirit­wal na aspeto ng ­buhay. Sa mga ­gustong isangguni ang kanilang ­panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.