Abante Tonite Interactive

Nagsakripisyo para sa atin noon, responsibilidad natin alagaan ngayon

By
1,596

Madalas tayong nakakarinig ng kuwento mula sa ibang mga bansa ng mga senior citizen na inabandona na ng kanilang mga pamilya sa mga nursing home. Masuwerte tayo na iba ang sitwasyon dito sa Pilipinas.

Nakatatak na sa ating pagkatao bilang mga Filipino ang pagrespeto at kagustuhang alagaan ang mga nakatatanda. Kaya naman laging bukas ang ating mga ta­hanan sa ating mga lolo, lola at mga magulang ‘pag sila ay retirado na.

Ngunit hindi dapat tumitigil sa tahanan ang pag-aaruga sa mga senior citizen. May res­ponsibilidad ang bawat mamamayan, at lalong-lalo na ang ating gobyerno, sa pamamagitan ng mga batas at programa, na tumulong sa pagginhawa ng mga buhay ng ating mga lolo at lola.

Isa sa mga pinaka-importanteng batas para sa mga senior citizen na aking sinuportahan ay ang Republic Act No. 10645 na napatupad noong 2014. Ginawa ng batas na ito na mandatory ang coverage ng mga senior citizen sa PhilHealth upang lahat ng may sakit na senior citizen ay may benepisyo na mula PhilHealth kahit pa hindi sila nakapagbigay ng kontribusyon dahil sa hirap ng buhay.

Kabilang sa maraming mga batas para sa senior citizen na kasalukuyang nakasala sa Kongreso, tatlo ang aking personal na nilagdaan: ang House Bill No. 44 na maglalaan ng 10% ng budget ng barangay para sa prog­ramang pang-senior citizen; ang House Bill No. 45, na layuning magtayo ng mga hiwalay na presinto para lamang sa mga senior citizen at persons with disability (PWD) sa panahon ng eleksiyon; at ang House Bill No. 7222 na layu­ning bigyan ang lahat ng senior citizen ng pension at funeral/burial assistance.

Maliban sa mga ito, sinisigurado ko rin na ang mga programa para sa mga senior citizen tulad ng medical mission, immunization, at pagbabahagi ng mga wheelchair at mobility aid ay maayos at madalas na naisasagawa sa aking distrito. Pero masasabi ko na kulang pa rin ang mga ito.

Malawak na karanasan at malaking mga sakripisyo ang naibigay ng mga senior citizen para sa mga kasaluku­yang henerasyon. Hindi basta-basta nasusuklian ang mga ito, kaya naman hindi kailan man tayo dapat tumigil sa paghahanap ng paraan upang mas mapaginhawa at maalagaan ang ating mga mahal na lolo at lola.