Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nagsunugan

0 230

Nalantad sa publiko ang hindi magandang relasyon ng mag-amang sina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Bagamat matagal nang sinasabi ng anak na wala silang problema, lumitaw ang katotohanan nitong mga nagdaang araw.

Nagsimula ito nang magdesisyon si Mayor Sara na maghain ng certificate of candidacy sa pagka-bise presidente. Siyempre, nagulat si Pangulong Duterte dahil inakala niyang tatakbong presidente ang kanyang anak dahil sa pangunguna nito sa mga survey.

“Nagtataka ako, sabi ko, siya ang number 1 sa survey, kung bakit siyang pumayag natatakbo lang ng bise. Bakit ka tatakbo na bise presidente na alam mong mas lamang ka?” himutok ng Pangulo sa online interview ng pro-Duterte vlogger na si Byron Cristobal, kilala sa tawag na Banat By, nitong Linggo ng madaling araw.

Suspetsa pa ni Duterte, binilog ni dating Senador Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang anak kaya napapayag itong tumakbong bise presidente na lamang.

Sa inis marahil, nagbanta pa ang Pangulo na tatakbo rin siyang bise presidente upang labanan sa puwesto ang kanyang anak. Hindi ito nangyari dahil COC for senator ang isinampa ni Digong sa huling araw ng substitution ng kandidato nitong Lunes.

May ibang nagsasabi na pakulo lamang ito ng mag-amang Duterte na kesyo nangyari na ito noong 2016 presidential elections. Kung pakulo man ito, hindi maganda sa mata ng mga Filipino na banatan niya ang anak in public.

Ang isa pang napapaulat na kinaiinisan ni Mayor Sara na si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, tatakbo namang presidente sa darating na halalan. Kabilang sa makakalaban niya si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson, retired general Antonio Parlade.

Mistulang sinunog pa ni Parlade si Go nang ipaliwanag na, “I cannot align with Senator Bong Go. I’m sorry but isa siya. Kasama siya sa problema ng bayan natin.”

Sagot naman ni Go: “Ayaw ko nang makipagsagutan kay Gen. Parlade dahil nirerespeto ko siya. Sa katunayan, isa rin ako sa nagrekomenda na maging Undersecretary siya. Alam naman nila ang katotohanan. Mainit na ang pulitika. Pero hayaan natin ang taumbayan ang humusga.”

Totoo nga ang kasabihang “kapag may usok, may sunog.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.