Abante Tonite Interactive

Nagtalo sa balat ng balut, kelot tinusok

By
0 143

Kulungan ang bagsak ng isang balut vendor makaraang saksakin ang kapwa vendor matapos magtalo ang dalawa sa kalat mula sa balat ng panindang balut kahapon nang madaling-araw sa Brgy. Wack-wack, Mandaluyong City.

Nahaharap sa kasong frustra­ted murder si Gregorio Albutra y Acid, 56, ng Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City. Kritikal naman ngayon si Rustom Telig y Bobadilla, 51, ng Pasig City.

Sa report mula sa tanggapan ni Eastern Police District Director CS/Supt. Bernabe Balba, naganap ang insidente bandang alas-4:00 nang madaling-araw sa Shaw Blvd. cor Harvard St., malapit sa Star Mall, Brgy. Wack-wack.

Ayon kay PS/Supt. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong Police, nag-ugat ang pagtatalo ng dalawa dahil sa kalat kung saan una nang sinita ng suspek ang biktima na damputin ang mga balat ng balut sa kanyang puwesto na binalewala umano ng biktima kaya nagtalo ang dalawa.

Napilitang umalis ang suspek ngunit makaraan umano ang ilang oras ay bumalik ito na nakainom na at may dala pang patalim at sinugod ng saksak ang biktima.

Agad namang nagsumbong­ ang ilang nakasaksi kaya dinampot ng pulisya ang suspek habang mabilis na itinakbo sa Mandaluyong City Medical Center ang biktima.