Abante Tonite Interactive

Nagtalunan sa barko

767
For the Record by Boyet Jadulco
Matatapos na sa Oktubre 17 ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec) para sa mga tatakbo sa May 2019 elections.
Kabilang sa mga nakapaghain at magsusumi­te pa lang ng COC ay ang mga opisyales ni Pangulong Rodrigo Duterte. Oras na maghain sila ng kandidatura, awtomatiko na rin silang resigned sa puwesto.
Noong nakaraang linggo, pinangalanan ni Pangulong Duterte ang mga magbibitiw na opisyal upang tumakbo sa darating na halalan. Ito ay sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Presidential Spokesperson Harry Roque, political affairs adviser Francis Tolentino, Agrarian Reform Secretary John Castriciones at TESDA Director General Gui­ling Mamondiong.
Nagpaalam na si Roque sa Pangulo na gustong maging miyembro uli ng Kamara, habang si Cayetano ay posibleng magtagal pa sa paninilbihan dahil hanggang sa Nobyembre 29 pa ang deadline sa substitution ng kandidato. Hindi na rin umasa si dating Pre­sidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Margaux ‘Mocha’ Uson na mabibigyan ng panibagong puwesto sa administrasyong Duterte dahil naghain na ito ng certification of nomination at certificate of acceptance of nomination (CONA) sa AA-Kasosyo Party-list.
Ang nakapagtataka dito, pati na ang natsitsismis na susunod na kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Senador Loren Legarda, umatras din at tatakbo na lang daw na kinatawan ng lone district ng Antique.
Mayroon ba silang alam na hindi alam ng pangkaraniwang tao kung bakit ayaw nilang manilbihan sa administrasyong Duterte? Hindi pa naman palubog ang barko ni Digong pero nagtatalunan na ang mga opisyal nito upang maging halal na opisyal.
***
Marami ang natuwa sa naging pahayag ng Department of Finance (DOF) na sususpen­dihin ni Pangulong Duterte ang ikalawang round ng dagdag-buwis sa produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Aabot kasi sa two peso excise tax ang ikakarga sana sa kada litro ng gasolina at diesel simula Enero 1, 2019 kung hindi ito sususpindihin ng Pangulo. Itinulak ng mga senador ang suspensyon nito sa isang pulong sa Malacañang noong nakaraang Lunes, ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Ibinisto pa ni Zubiri na takot daw kasi ang mga reelek­syunistang senador sa magiging resbak ng mga botante sa nagtataasang presyo ng gasolina at bilihin.
Kung inyong matatandaan, natalo sa kanyang reeleksyon si Senador Ralph Recto noong 2007 dahil sa iniakda niyang batas sa buwis – ang Va­lue Added Tax (VAT). Si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang may pakulo ng VAT pero si Recto ang naparusahan. Ito ang ayaw mangyari sa hanay ng mga senador na kaalyado ni Pangulong Duterte.