Abante Tonite Interactive

Nagutom sa magdamag na inuman braso, tainga ni pinsan nilapa

By
5,786

Halos matuklap ang balat sa braso at nalaplap ang kaliwang tainga ng isang 47-anyos na mister makaraang pagkakagatin ng kanyang pinsan na naghahanap ng mapupulutan sa kanilang inuman na inabot ng magdamagan, sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Pasado alas-sais ng umaga nang mangyari ang insidente sa loob ng pamamahay ng biktimang si Rolando Robles sa 8th Avenue, Grace Park, Caloocan City.

Bago ito nangyari ay nakikipag-inuman na umano noon pang Biyernes ng hapon ang biktima kasama ang pinsang si Rolly Robles, nasa hustong gulang, sa kanilang mga kaibigan.

Hanggang lumipas ang magdamag at nag-uwian na ang kanilang mga kainuman at ang magpinsang Robles na lamang ang natira.

Sa mga oras na iyon bagama’t may alak pa silang iinumin ay wala na umanong pulutan kaya sinabihan ng biktima ang pinsan na bumili ng mapupulutan upang maubos na nila ang kanilang inumin.

Ngunit ayaw pumayag ni Rolly dahilan upang mauwi sa mainitang pagtatalo ang magpinsan. Doon na nagkasagutan at nagmurahan ang dalawa hanggang sa mauwi ito sa suntukan.

Habang nagpapambuno sila ay biglang kinagat ni Rolly ang braso ng biktima na halos matanggal ang balat bago binitawan. Pagkatapos ay nilapa naman ang kaliwang tainga ng biktima hanggang sa halos mapigtas na ito.

Halos mahimatay na umano ang biktima dahil sa sobrang sakit na naramdaman at doon pa lamang siya nasaklolohan ng iba pang kamag-anak at isinugod sa Caloocan City Medical Center para malapatan ng lunas.

Mabilis din na isinumbong sa pulisya ang insidente pero nakatakas na si Rolly nang puntahan ng mga awtoridad sa kanilang bahay.

Pinaghahanap pa rin ngayon si Rolly habang nagpapagaling na sa kanyang mga sugat si Rolando.