Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nahulog sa balon, 3 dedo

0 161

Tatlong indibidwal ang namatay nang mahulog sa balon sa La Union at Bataan.

Unang namatay ang magkapatid na Freddie, 42, at Federico Espiloy, 48, nang ma-suffocate sa loob ng isang balon sa Bacnotan, La Union.

Sa report, tinangkang linisin ni Freddie ang balon, Biyernes ng umaga, pero kalaunan ay nagpasaklolo sa kuya dahil nahirapan siyang huminga.

Agad bumaba sa 70-talampakan na balon si Federico pero hindi kinaya ang amoy at nahulog.

Patay na nang ma-rescue sila ng awtoridad.

Samantala, nitong Lunes, isang dalawang taong gulang na bata ang nahulog sa isang lumang balon sa Barangay Alas-Asin, Mariveles, Bataan.

Kuwento ng may-ari ng balon, ipinatawag niya ang tatay ng bata dahil ipalilinis niya ang kanal sa kanyang paupahang bahay.

Hindi napansin ng tatay na sinundan siya ng kanyang anak. Napatapak ang huli sa marupok na plywood na takip pala ng 20 talampakan na balon at nahulog.

Napasugod naman ang ama at binaba ang balon pero nahirapan siya at nawalan ng malay dahil sa init, kawalan ng hangin, at masangsang na amoy sa balon.

Isang oras ang tinagal bago nakuha ng mga rescue worker ang hindi pinangalanang mag-ama. Nasawi ang bata habang nagpapagaling na ngayon ang tatay. (Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.