Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nahumaling sa maling laro

0 118

Umusok ang social media noong nakaraang linggo dahil sa pagkatalo ng Gilas Pilipinas sa koponan ng Japan sa quarterfinal bid para sa FIBA Asia Cup. Dati, ang ating bansa ang naghahari sa Asya. Ngayon, kahit sa Southeast Asian Games, tinatalo na tayo ng Indonesia.

Marami ang nananawagan sa pagsibak kay coach Chot Reyes. Mali raw ang ginamit nitong game plan kaya tinambakan tayo ng Japan sa iskor na 101-81. Maaari ngang may pagkukulang sa coach pero marami pang bagay na hindi natin nalalaman kung bakit natalo ang koponan.

Kahit naman ang Team USA, kahit puros mga NBA player ang naglalaro rito ay nasisilat din sila kung minsan. Nangyari na ito noong 2004 Olympics kung saan tatlong beses natalo ang koponan kaya nagkampeon noon ang Argentina.

Bigatin ang lineup noong 2004 na kinabibilangan ng future hall of famer na si LeBron James na noon ay 19-anyos pa lamang. Kasama rin sa koponan sina Tim Duncan, Allen Iverson, Carmelo Anthony at Dwayne Wade. Saan ka pa!

Pero kung anong lakas ng lineup kung sabog naman ang laro, tatalunin talaga sila ng Puerto Rico, Lithuania at Argentina

Ngayon naman, gustong tapikin ng Gilas Pilipinas ang Fil-Am player ng Utaz Jazz na si Jordan Clarkson para lumaro sa susunod na window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers. Kaya bang talunin ng Gilas Pilipinas ang Lebanon kahit makapaglaro si Clarkson?

Masyadong naloloko ang mga Pinoy sa larong basketball pero wala pang purong Filipino ang nakapasok sa National Basketball Association (NBA). Sa boksing lang talaga sumikat ang ating lahi sa buong mundo, salamat sa mga tulad ni Senador Manny Pacquiao, Nonito Donaire, Gabriel ‘Flash’ Elorde at iba pa.

Sa Japan, hindi sila masyadong tutok sa basketball bagkus ay sa baseball. Kaya hayun, marami silang manlalaro na nakapasok sa Major League Baseball (MLB) sa Estados Unidos. Isa sa sikat nilang player ay si Shohei Ohtani ng Los Angeles Angels. Bihira ang talentong taglay ni Ohtani – slugger na, petmalu pang pitcher. Ang tawag nila dito, position player.

Sumikat din sa Amerika si Hideki Matsui alyas ‘Godzilla.’ Naging instrumento siya sa kampeonato ng New York Yankees noong 2009 at hinirang pang World Series MVP.

Kung sa baseball nalulong ang mga Pinoy, baka mayroon na rin tayong katulad nina Ohtani at ‘Godzilla’ na kumikita ng limpak limpak na dolyar.

Naimpluwensiyahan tayo ng mga Kano sa basketball, pero hindi naman tayo nahumaling sa baseball. Sayang!

Leave A Reply

Your email address will not be published.