Abante Tonite Interactive

NAIA screener sibak sa ninakaw na $2K ng turista

415

Isang screening officer ng Office of Transportation Security (OTS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 ang inaresto ng tauhan ng Airport Police Department matapos itong ireklamo ng isang Hong Kong tourist dahil sa puwersahan umanong pagkuha sa dolyares nito na nasa wallet bago sumakay sa eroplano noong Hunyo 10, 2019.

Kaagad na nag-react ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa Facebook post ni Jackie Freeman Yuen, isang Hong Kong national na nagbakasyon sa Pilipinas kasama ang mga kaibigan.

Ayon kay Yuen, matapos mag-check-in sa Philippine Airlines (PAL) kasama ang mga kaibigan pabalik sa Hong Kong noong Hunyo 10, 2019, isa sa kanyang kasamahan ang pinigil ng screener nang dumaan sila sa final security screening sa NAIA terminal 2.

Binuksan ng security screener ang back pack at umano’y paisa-isang inalis ang laman ng bag. Pagdaka’y kinuha ang wallet ng pasahero at dinukot ang dalawang HK $1,000 bill.

Ayon kay Yuen, ang screener ay nakilalang si Nissan Abellon Villarino, ng OTS.

Isa sa kaibigan ni Yuen na nakakapagsalita ng konting English ay hindi pumayag na ibigay ang pera subalit itinuloy pa rin ng screener.

Nataong isa sa kaibigan ng biktima ay abogado kaya binalikan ang screener at sinabihan itong isoli ang kinuhang pera.

Nang maibalik ang pera ay pumunta na sa boarding gate ang biktima at hindi na nagreklamo.

Pagdating ng grupo ni Yuen sa Hong Kong airport ay saka nito inireklamo sa mga airport official ang sinapit hanggang sa boluntaryong isuko ng suspek ang sarili at nagsumite ng written statement. (Otto Osorio)