Abante Tonite Interactive

Naiputan ng ibon sa balikat

198

Napanaginipan kong naglalakad daw ako nang bigla na lamang daw akong maiputan ng isang lumilipad na ibon. Saktong-sakto sa aking balikat ang ipot ng ibon at ramdam kong mainit-init pa ang pagpatak nito. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Ang ibon ay sumisimbolo sa mga inaambisyon natin sa buhay. Dahil ang ibon ay may pakpak at lumilipad sa kalangitan, ikinokonek ito ng isip natin na isang araw ay gusto nating maranasan ang kasintayog ng paglipad ng ibon. Ang ibon ay nagagawa ring lumipad sa kahit anong direksyon at nakakapunta sa iba’t ibang lugar na gusto nito at maikokonek din iyon sa ating maraming magagandang pangarap at inaambisyon sa buhay.

Ang ipot ng ibon sa iyong balikat ay puwede namang simbolo ng mga pagsubok na pinagdaraanan mo para marating ang iyong mga pa­ngarap sa buhay. Napaka­simboliko pa na sa balikat mo tumama ang ipot ng ibon. Parang nagpapakitang may mabigat kang pinapasan sa buhay at may kinalaman ito sa iyong mga pagsisikap tungo sa inaasam mong tagumpay.

Puwedeng sabihing malapit ka na sa anumang pinagsisikapan mong marating pero habang papalapit ka ay nara­ramdaman mo na ang bigat kaya tila lalo namang nagiging mailap sa iyo ang tagumpay. Tulad din ng ibon na mailap at hindi madaling hulihin.

Pag-aralan ang mga nangyayari ngayon sa iyong buhay. Meron ka bang mga inaambisyon na tila ipinagkakait sa iyo? Tulad halimbawa ng promotion sa trabaho o anumang kahalintulad ng sitwasyon kung saan tila ang daming hadlang sa iyong daan. Kung may ganito kang pinagdaraanan o pinagdaanan, ito ang explanation kung bakit napana­ginipan mong iniputan ka ng ibon.

Maaari rin naman na sa takbo ng iyong aktu­wal na buhay ay may mga nararanasan kang ilang aberya kaya hindi mo ma-enjoy ang mga bagay na alam mong deserve mong makamit. Pero tulad din naman ng ipot ng ibon sa iyong balikat, maliit na marka lamang naman ang nalikha nito. Kaya naman panatilihing posi­tibo ang iyong pana­naw na anuman ang iyong pinagdaraanan, maituturing naman itong maliit na bagay lamang na kaya mong lagpasan.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng gene­ral information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.