Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Naisahan

0 122

Marami ang napailing nang magbarilan sa parking lot ng isang fastfood chain sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong nakaraang Miyerkoles ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District special operations kung saan apat ang nasawi.

Naging viral sa internet ang ilang eksena ng barilan at pinag-usapan ng mga netizen. Kahit na ang mga bata, natawa sa madugong engkuwentro ng dalawang grupong tagapagpatupad ng batas sa Pilipinas. Sabi ng ilang nagmamarunong sa social media, tanga ang mga operatiba ng PDEA at QC police dahil hindi man lang sila nagkaamuyan.

Suspetsa naman ng ilang opisyal, posibleng pinaglaruan sila ng drug lord at pinagtagpo para magkabarilan. Ibig sabihin lang niyan, iisa ang asset na nagbigay ng tip sa PDEA at QC police. Kung sino man ang asset na ito, tiyak na nagtatago na ito ngayon dahil hinahabol na siya ni kamatayan.

Mismong si Senador Panfilo Lacson, sinabing naisahan ang PDEA at QC police dahil hindi man lang sinala ang impormasyong nakuha sa asset. Dahil may mga namatay sa misencounter, dapat lang daw na may managot either masibak o masampahan ng kasong kriminal.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Dahil sa pangyayari, panibagong black-eye na naman ito sa Philippine National Police (PNP). Remember ang kaso ng pulis-Parañaque na namaril at nakapatay ng mag-ina sa Tarlac at ang palpak na imbestigasyon sa pagkamatay ng flight attendant sa isang hotel sa Makati City noong New Year.

Tama lang na ang National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-imbestiga sa sinasabing mis-encounter para maging patas. Makabubuti rin na hayaan ng Senado at Kamara ang NBI sa kanilang imbestigasyon.

Ang tanong lang ng marami ay kung sisilipin ng NBI ang anggulong nagkaroon ng sell-bust. Bawal kasi ito sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kulong habambuhay at multang aabot ng P10 milyon ang sinumang law enforcer na magbebenta ng droga. Ang masaklap, baka ganito rin ang taktikang ginagamit sa drug war at pinapalabas lamang na buy-bust.

Kung magiging katanggap-tanggap sa marami ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI, hindi na siguro kailangan pang mag-imbestiga ng Senado at Kamara.

Leave A Reply

Your email address will not be published.