Abante Tonite Interactive

‘Naitawid’ natin sa debate o interpellation period ang UHC

By
0 109

FEEL good tayo noong nakaraang Miyerkoles (Setyembre 5), at hanggang ngayon, dahil naitawid natin sa “unang tulay” ang “Universal Health Care for All Filipinos Act” bill (Senate Bill NO. 1896), o UHC.

Ang ibig nating sabihin, isinara na ng liderato ng Senado ang interpellation period at “nakapasa” tayo sa matinding”grilling” ng magigiting nating senador na talagang hinimay nang husto ang UHC bill sa debate.

Nagpapasalamat tayo sa mga nagtanong na sina Senate President Vicento Sotto III, Sen. President Pro-Tempore Ralph Recto, at pati si Sen. Panfilo Lacson na bahagya ding nagtanong.

Marami tayong napulot sa kanila na plano nating idagdag sa UHC bill. Sigurado ta­yong nalinawan din ang ating mga kababayang sumusubaybay sa mga kaganapan sa Senado tungkol sa UHC.

Ang susunod na proseso ay ang period of amendment kung saan magbibigay ng suhestiyon ang mga senador para sa lalong ikagaganda ng UHC at tayo naman bilang principal author at sponsor ay handang tanggapin ang mga susog.
‘Tapos, approval on second reading at approval on third rea­ding.

Dahil sa suporta ng ating mga kapwa senador, lalong lumaki ang ating pag-asang maaapurbahan ang UHC sa Senado bago ang “all hell breaks loose” season. Ang tinutukoy natin ay ang election season na mag-uumpisa na sa susunod na buwan kasi filing o candidacy na.

Higit na kailangang maisabatas ang UHC sa panahon ngayong hindi mapigil ang pag-akyat ng inflation rate at paglobo ng presyo ng mga bilihin.

Kapag naging batas ito, garantisadong hindi na mabubutas nang husto ang bulsa ni “Juan dela Cruz” kapag kinailangan niyang magpagamot o magpa-ospital dahil sasagutin ng gobyerno ang malaking bahagi ng gastusin.

Dahil sa UHC, ang lahat ay magiging mi­yembro ng PhilHealth at entitled sa benepisyo mula sa National Health Insurance Program.

Ibig sabihin, ang bawat Filipino ay may access na sa affordable o abot-kayang quality health care.

Sa madaling salita, kapag nagkasakit, pumunta agad sa ospital at huwag matakot sa gastos dahil abot-kaya na ito.

Kahit paano, kung hindi man maabot ang presyo ng mga bilihin, ang pagpapagamot ay abot-kaya dahil sa UHC.

Kapag aprubado na sa Senado ang UHC, magkakaroon na ng bicameral conference committee para pagtugmain ang Senate at House of Representatives versions.

At pagtapos ay isusumite na kay Presidente ang reconciled version para pirmahan at maging batas na.