Abante Tonite Interactive

Naiwanan ang apo

405

Dear Dream Catcher,
Nanaginip po ako na nag-emcee po ako tapos ay umuwi na ako. Madilim ang daan at bigla akong huminto kasi naalala ko ang apo ko na naiwan ko. Gusto ko syang balikan pero iniisip ko gabi na. Habang naglalakad ako sinasabi ko sa sarili ko na iniwan ko ang apo ko. Ano po ba ang ibig sabihin ng panaginip ko.

Julia
Ang panaginip ng isang lola tungkol sa kanyang apo ay itinuturing na common dream. Kadalasang nagkakaroon ng ganitong panaginip ang isang grandparent na nag-aalala sa kalagayan ng kanyang mga apo.

Kadalasan ding ganito ang pana-ginip ng isang grandparent kung ang kanyang apo ay malayo sa kanya at hindi niya nakakasama o hindi nakikita. Posible rin ito kung ang isang lola ay hindi nabibigyan ng kanyang anak ng karapatan sa kanyang apo.

Sa iyong panaginip, naalala mo na naiwan mo ang iyong apo at gusto mo siyang balikan ngunit hindi mo magawa dahil gabi na. Hindi mo nabanggit kung ano ang kalagayan ng relasyon mo sa iyong anak at apo. Sa iyo ba nakatira ang apo mo o hindi mo ba siya kasama. Kung ang iyong apo ay malayo sa iyo, maaring nangungulila ka lamang sa kanya kaya nagkaroon ka ng ganitong panaginip. Kung kasama mo naman sa bahay ang iyong apo, maaring meron kang pangamba na hindi mo naibibigay sa kanya ang buong pag-aasikasong gusto mong ibigay dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

Ang panaginip naman tungkol sa iyong pag-emcee ay indikasyon na pakiramdam mo’y nasa stage ka at nagpe-perform sa harap ng ibang tao. Kung hindi pag-e-emcee ang propesyon mo, maaaring sa kasalukuyan mong sitwasyon ay nararamdaman mong inoobserbahan ang bawat kilos at galaw mo.

Sa kabuuan, hindi naman ang pag-e-emcee ang naging sentro ng iyong panaginip kundi ang pag-aalala mo sa iyong apo. At bilang isang lola, normal lamang para sa iyo ang ganitong pakiramdam.

Dream Catcher
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.