Abante Tonite Interactive

Naiwang P.2M cash, gamit ng pasahero sinoli ng 2 cleaner sa airport

233

Pinarangalan ang dalawang personnel ng Zamboanga International Airport (ZIA) ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ito’y matapos nilang ibalik ang mga misplaced valuable na natagpuan nila habang naka-duty sa airport.

Kinilala ang mga personnel na may taglay na katapatan na sina Arron Paul Villanueva at Gracelyn Alihuddin, mga facility cleaner ng naturang airport.

Nobyembre 24, nang matagpuan ni Villanueva ang mga kagamitang naiwan ng isang Aljirum Kaluang Jadjuli sa pre-departure area ng ZIA.

Nasa apat na mobile phone, 1 computer tablet at 24 pair ng assorted sunglasses ang itinurn-over sa Malasakit Help Desk ng airport na agad namang naibalik sa may-ari na si Jadjuli.

Noong Oktubre, natagpuan naman ng facility cleaner na si Alihuddin ang isang bag na naiwan ng Chinese passenger.

Ang bag ay naglalaman ng laptop, mobile phone, passport, valuable personal document, at higit kumulang na P200,000 cash.

Agad ibinalik ni Alihuddin ang bag sa on-duty police officer ng Philippine National Police (PNP) Airport Security Unit (SEU) at isinoli
sa Chinese. Dahil sa kabutihan, binigyan ng Chinese passenger si Alihuddin ng P3,000 at advance Christimas token.

Kasabay nito ay binigyan din ang dalawang empleyado ng certificates of special recognition ng CAAP. (Lorraine Gamo)