Abante Tonite Interactive

Naka-SUV namaril sa tapat ng simbahan

256

Dead on-the-spot ang isang lalaki nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman na sakay ng sport utility vehicle (SUV) habang naglalakad ang biktima sa harap ng isang simbahan sa Barangay Mariana, Quezon City noong Biyernes ng madaling-araw.

Batay sa ulat kay Police Lt. Nick Fontanilla ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang BIR ID na si Roberto S. Aquino, 46-anyos at nakatira sa Brgy. Teresita, Binangonan, Rizal.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Julius Cesar Balbuena, nangyari ang pamamaril bandang ala-1:20 ng madaling-araw sa harapan ng National Shrine of Our Lady of Mt. Carmel na matatagpuan sa panulukan ng 5th Street at Broadway Avenue sa Brgy. Mariana.

Ayon kay Clyde Mendoza, sikyo sa simbahan, nasa guard house siya nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril kaya agad siyang rumes­ponde at namataan niya ang ‘di naplakahang kulay itim na SUV na humarurot sa pagtakas patungo sa Aurora Boulevard.

Sa pag-iimbestiga ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) sa pinangyarihan ng krimen, nakatagpo ng apat na fired catridge case at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaril. (Dolly Cabreza)