Abante Tonite Interactive

Nakabangon na ang Tacloban

250

Masuwerte akong naimbitahan ng DepEd Tacloban para sa kanilang broadcast journa­lism training na kung tawagi’y Media Convergence noong isang linggo.

Sa totoo lang, hindi na ako nagdalawang-isip pang tanggapin ang alok ni Sir Obet Erandio, ang progam education supervisor at journalism coordinator ng lungsod. Gustong-gusto ko kasi na muling mapasyalan ang Tacloban.

Huli kong nasilayan ang lungsod nang bisitahin ito ni Pope Francis ilang buwan matapos hagupitin ng Super Typhoon Yolanda. Isa rin ako sa mga reporter na nag-cover sa pinsala ng naturang bagyo.

Sakto naman ang muling pagbisita ko sa paggunita ng anim na taong anibersaryo ng pana­nalasa ni Yolanda nitong November 8.

Marami ang nagbuwis ng buhay. Maraming gusali ang winasak. Maraming ari-arian ang naglahong parang bula.

Ang nakatutuwa — kitang-kita kong muli nang nakabangon ang Tacloban.

Operational na uli ang Santo Niño Shrine na minsang nabalot ng putik dahil sa bagyo.

Kaaya-aya na muli ang pamosong Leyte Landing sa bayan ng Palo. Bukod sa mas pinagandang parke, nakaeengganyo ring pagmasdan doon ang nag-iiba-ibang kulay na water fountain.

Binisita ko rin ang barko na inanod at sumadsad sa mga bahay roon. Ginawa na itong tourist spot.

Pati ang mga simbahan na sinira rin ng bagyo, balik na sa tamang porma at ganda.

Nagbalik na ang sigla ng lungsod. Marami nang establisimyento ang bukas.

Katunayan sa Tacloban pa lang, hindi bababa sa dalawa ang mall na puwedeng pasyalan ng mga tao. Dagdag-trabaho rin ito para sa mga residente.

Sa commemoration rites, ibinida ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na mahigit 125,000 na bahay na ang naitayo — 65% ito ng kabuuang 200,000 hou­sing units na ipinangako sa mga pamilyang naging biktima ni Yolanda. Target ng gobyerno na matapos ang lahat ng housing units bago magpalit ang taon.

Nagtirik naman ng kandila at nag-alay ng panalangin ang mga residente sa mga sinawimpalad na biktima ng bagyo.

Alam kong mahirap kalimutan ang pait na dulot ng mapaminsalang bagyo. Ang sa akin lang, masaya akong makita na nagbalik na ang dating sigla at ganda ng Tacloban. (with reports and pics from Tac­loban DAESPA)