Abante Tonite Interactive

Nakahanda na ba tapos manalo vs Indonesia?

271

Sigurado akong napanood ninyo na ang laro ng Gilas Pilipinas kontra Indonesia na tinambakan noong Linggo sa Jakarta, 100-70, sa pagsisimula ng kampanya ng ating national men’s basketball team sa 2021 FIBA (International Basketball Federation) Asia Cup first round, window one.

Natuwa tayo sa teamsmanship na pinakita ng mga beteranong Philippine Basketball Association (PBA) player na sina Roger Ray Pogoy, Christian Jaymar Perez, Jeth Troy Rosario, John Paul ‘Poy’ Erram, Abu Tratter, at Kiefer Isaac Ravena.

Gayundin ng mga amateur o collegiate standout na sina Matt Nieto, Dwight Ramos, Isaac Go, Ferdinand ‘Thirdy’ Ravena III, at Juan Gomez de Liano.

Nagpasiklab sa panalo ng PH 5 si Thirdy Ra­vena, ang Finals MVP sa nakaraang taong UAAP men’s basketball. Gumawa siya ng 23 point tampok ang 3-for-3 sa three-point shot, 8 rebound, at 2 block.

Sinundan siya ni Pogoy na may 16 pts., Perez na nakaiskor ng 11, at Kiefer at Gomez de Liano na may tig-10 puntos.

Bumulusok ang Gilas sa second half sa paghihigpit doon ng depensa, na nagresulta ng mara­ming turnover sa Indonesians.

Humanga ako sa depensa ng Gilas. Makikita natin na nasa tamang kamay ng mga magagaling na coach ang Gilas na binubuo nina interim coach Mark Dickel at GP project director Tab Baldwin, ang champion coach ng Ateneo sa UAAP.

Naglabas agad ng statement ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na maganda ang kinabukasan ng koponan na lalahok sa 19th FIBA World Cup 2023.

Sa akin lang naman, dapat hindi muna nagbitaw ng mga salita ang SBP, na parang mababaw ang kaligayahan natin. Oo, nanalo tayo kontra Indonesia, pero hindi pa nananalo sa atin ang Indons. Lagi natin silang tinatambakan. Magaling tayo magbigay ng ‘false hopes’.

Papano kung naglaro si dating PBA import Lester Prosper sa Indonesia, ‘di mag-iiba ang tono ng laro. Inaayos pa ang mga papeles niya para sa naturalization.

Sunod nating kalaban ang Thailand at Korea. Ang nais ko lang sana ay magprepara tayo ng maayos para sa mga susunod na qualifying game.
Dibdiban na preparasyon. Kailangan tumibay ang koponan natin. Kailangan sumabak sa mga tough tournament sa Europa at Estados Unidos. Ito lang ang paraan para maprepara at tumibay pa ang Gilas Team natin.