Abante Tonite Interactive

Nakahubong bangkay nagulungan ng truck

By
10

Isang babae ang pinatay sa pagbaril sa ulo ng hindi pa nakikilalang mga kalalakihang lulan ng motorsiklo, kung saan hinala ng pulisya ay ginahasa rin at minalas pang magulu­ngan ng truck sa Lungsod ng Malabon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Malabon City Police partikular na ni PO3 Julius Mabasa ay ganap umanong ala-1:30 ng madaling-araw nang matagpuan ng mga tauhan ng isang trucking company sa Pampano St. corner Salmon St., Brgy. Longos ng nasabing lungsod ang mga labi ng biktimang si Maricon Escario, 26, ng Pampano St., Teacher’s Village ng nasabi ring lugar.

Kung hindi pa umano nagulungan ng truck sa nasabing lugar ay hindi pa malalaman na andoon ang wala nang buhay na biktima na isinalarawang nasa hita ang pang-i­babang kasuotan na na­ging basehan na posibleng nagahasa ito at may tama pa ng bala sa kanyang ulo mula sa .9mm na baril.

Ayon sa isa sa nakasaksi na hiniling na itago ang kanyang pagkakakilanlan, nakarinig sila ng putok ng baril dahilan para usyosohin nila ito at doon na nga nila nakita ang isang motorsiklong lulan ang da­lawang suspek at patu­ngo sa binabaybay ng C-4 Road sa lungsod naman ng Caloocan.

Hindi na rin naman nila naaninag ang mga itsura at kasuotan ng mga suspek dahil may kadi­liman sa dinaanan ng mga salarin, ngunit nakita umano nilang kulay green ang blinker ng motorsiklo.

Hindi rin umano nila alam na may napatay na pala sa nasabing lugar, inakala lang nila may nagpaputok lang ng baril dahil sa natatakpan umano ng mga naglalakihang truck ang kinaroroonan ng biktima at kung hindi pa nga nagulungan ng truck ay hindi pa madidiskubre.

Paggamit ng ipinagbabawal na gamot ng biktima ang nakikitang dahilan ng pagpatay base na rin sa salaysay ng isa sa mga kaanak ng biktima, ayon sa nakilalang si Masajisto Escario, pinsan nito, ay drug dependent umano ang biktima ng nasa isang taon na rin umano ang nakakaraan.