Abante Tonite Interactive

Nakaisa mentality

392

Naging panauhin ko noong nakarang taon sa aking Lingguhang Radio Program na Tagalog Republik On Air (Radyo Natin Laguna 106.3 FM) ang dating Chancellor ng UPLB na si Dr. Ruben Villareal.

Aming napag-usapan ang mga dahilan kung bakit napag-iiwanan ang Pilipinas ng ating mga karatig na bansa sa larangan ng kaunlaran. Ayon sa kanya, ang pangunahing dahilan kung bakit nananatiling mahirap ang ating bansa kumpara sa mga bansang kagaya ng South Korea, Singapore, Malaysia, Thailand at iba pa ay dahil sa kabuuan, ang mga Pilipino ay walang marubdob at malalim na pagmamahal sa ating bansa.

Ito ay repleksiyon ng katotohanang sa kabuuan, ‘di natin naisasapuso ang Latin maxim na “Salus Populi Est Suprema Lex” na puwede na­ting ipaliwanag sa ating sariling wika na “ang kapakanan ng ating sarili ay ‘di mananaig sa kapakanan ng Lipunan.”

Sa lahat ng aspeto at antas ng ating buhay mababanaag natin na ang pinakapino-protektahan ng bawat isa ay ang kagalingan ng sarili, pamilya o angkan kahit na sumasalungat ito sa kaga­lingan ng ating Lipunan.

Related Posts

Bawal magtapon ng basura pero dahil walang nakatingin, sige lang ang tapon ng basura. Bawal umihi sa mga pader o poste pero dahil walang nakaka­kita, sige lang ang pag-ihi. Ang pag-“cut” sa pila, palakasan upang mapasok ng trabaho sa gobyerno, panunuhol upang magkalisensiya at mga katulad ay itinuturing na “normal” at ‘di tahasang panlalamang.

Ang ganitong disposisyon ay bunga ng “nakaisa mentality” nating mga Pilipino na pag tayo ay nakakalamang o nakakalusot, nakapagbibigay pa ito ng saya at ‘di nagpapakunsensiya. Kung sa ganitong kaliliit na bagay ang mga mamamayan ay ganito ang kaisipan, papaano pa sa mga malalaking bagay? Ito ang patotoo kung bakit ‘di maayos-ayos ang pamamalakad ng ating bansa at tayo ay nananatiling isang mahirap na bansa.

Kung nais nating mabago ang kalakarang ito sa ating Lipunan at makasabay tayo sap ag-unlad ng ating mga karatig na bansa, ang “Nakaisa Mentality’’ nating mga Pilipino ay dapat nating iwaksi. Mahirap gawin ang pagbabagong ito dahil nakasanayan na pero ito lang ang solusyon.

Kailangan nating mahalin ng lubusan ang ating bansa sa pamamagitan ng pagtanggap na ang kagalingan ng kabuuan ang mas importante kaysa sa pansarili, pampamil­ya o pang-angkang kagalingan, at gaya ng sinabi noon ni dating Senador Miriam Defensor Santiago, tumutok tayo sa kabataan.

Mamuhunan tayo sa kanilang edukasyon, epektibong huhubog sa kanilang maayos na kaisipan at kaugalian, adhikaing nais na ipagpatuloy ng kanyang anak na si Narciso “Archie” Defensor Santiago, ang isa sa mga nominees ng SINAG Party-list.