Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nakakaalarma ang muling pagbabalk natin as MECQ

0 343

WALANG nagawa ang pamahalaan kung hindi ang ibalik sa Modified Enhanced Community Quarantin (MECQ) ang kabuuan ng Metro Manila at ilang karatig-lalawigan dahil sa sintemiyento ng medical community.

Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa at hindi mapigilang pagdagsa sa ating mga pagamutan at sa kasalukuyan ay nasa nag-uumapaw na sitwasyon, na labis nang idinaraing ng ating mga health workers.

Ang hiling ng medical community na ibalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila ay hindi naibigay dahil sa pagtutol naman ng ating mga ekonomista na siyang nagbabantay sa kabuhayan ng ating mga kababayan.

Dahil sa pagbalanse ng ating pamahalaan hinggil sa pagitan ng buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan ay nagsalubong sa desisyong pairalin sa MECQ ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Dagdag alalahanin din sa ating mga kababayan ang forecast na inilabas ng mga eksperto mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na posibleng umabot na sa 150,000 hanggang 200,000 ang kaso ng COVID-19 sa pagsapit ng katapusan ng Agosto.

Hindi ito malayong mangyari kung pagbabasehan natin ang mga unang forecast ng UP na talaga namang malapit na malapit sa katotohanan kaya makabubuting seryoso nating harapin ang pag-iingat laban sa virus na ito.

Mabigat din ang pahayag ng Palasyo na sakalaing mapapalawig pa ang MECQ sa mga susunod na panahon ay hindi na umano kakayanin ng ating pamahalaan ang mga gastusin at posibleng ikalugmok na ng ating ekonomiya.

Ngayong umiiral nang muli ang MECQ ay tila mas nabawasan ang takot ng ating mga kababayan kumpara noong unang ipatupad ng ECQ sa bansa dahil sa halos walang katao-tao sa lansangan sa pangambang baka mahawa.

Hindi tulad ngayon na tila pinatapang pa ang mga kababayan natin sitwasyon na huwag magutom at marami ang hindi na alintana ang mahawa kesa mamatay ng dilat sa gutom.

Ang resulta, araw-araw santambak pa rin ang nahuhuli dahil sa paglabag sa health protocol partikular ang mga simpleng hindi pagsusuot ng facemask at hindi pagsunod sa physical distancing.

At ang napakasimpleng panuntunang ito ay ang pangunahing dahilan kung bakit patuloy ang pagkakahawa-hawa na siyang nagpapahirap sa ating pamahalaan at mga health workers.

Halos lahat ng anggulo at istilo para maihatid sa ating mga kababayan ang tamang pag-iingat at kung bakit dapat sundin ang health protocol ay nagawa na ng pamahalaan ngunit nananatiling matigas ang ulo ng marami nating kababayan.

Dapat ay maintindihan ng ating mga kababayan na nasa kritikal na tayong sitwasyon, punuan na ang mga pagamutan kaya dapat na mas doble pa ang ating pag-iingat dahil kung ngayon tayo mahahawa ay mas delikado.

Malaki ang posibilidad na ang pagamutang pagdadalhan sa isang bagong mahahawa sa COVID-19 ay hindi agad malapatan ng lunas dahil sa haba ng pila at magresulta na sa maagang kamatayan ng isang pasyente.

Sana ay maramdaman natin ang panawagan ng medical community na itong dalawang linggong MECQ ay huwag masayang at nawa ay maibsan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ang pagsunod ng isang indibidwal sa panuntunan ng pamahalaan ay maituturing ng isang kabayanihan at ang mga matitigas ang ulo na hindi natin mapigilan ay tiyak na magiging abo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.