Abante Tonite Interactive

Nakakabilib ang COA

By
423

Parang isang basurero ang Commission on Audit (COA), na habang naghuhukay sa mga pinagkagastusan ng gobyerno, sangka­tutak ang nabubungkal na anomalya sa paggamit ng pondo ng bayan. Nagresulta tuloy ito sa hindi mabilang na disallowances at rekomendasyon sa pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno.

Sinakyan tuloy ito ng mga kritiko ng administrasyon at inungkat pa ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya kukunsintihin ang mga nagtatrabaho sa gobyerno. Matatandaang sinabi ng Presidente na maamoy pa lang daw niya ang posibleng anomalya sa paggamit ng pondo ng gobyerno, agad niyang ipasisibak ang mga taong dawit dito.

Si Senador Panfilo Lacson Sr. naman, hinikayat ang pamahalaan na gamitin ang mga inilabas na audit report ng COA upang mapaimbestigahan ang mga opisyal na sinasabing sangkot sa katiwalian. Ito ay bilang pagtupad na rin umano sa pangako ng Pangulo na susugpuin niya ang katiwalian sa gobyerno at ang iligal na droga sa bansa.

Ilan sa mga nasita ng COA ay ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ni Secretary Martin Andanar, ang Department of Tourism (DOT) noong panahon ni dating Secretary Wanda Teo at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamumuno ni Secretary Mark Villar, anak ng bilyonaryong real estate magnate na si Manny Villar at Senador Cynthia Villar.

Maraming kuwestiyon ang COA sa pinagkagastusan ng DPWH at ng Road Board na pinamumunuan din ni Villar. Isa na dito ang mga ipinatayong pedestrian overpass. Maganda ang hangarin sa pagtatayo ng mga pedestrian overpass na may elevator. Ito ay para hindi mahirapan sa pag-akyat sa matatarik na hagdan sina lolo at lola, gayundin ang mga taong may kapansanan.

Pero kung ang e­levator ay hindi naman napapakinaba­ngan, sinayang lamang ng DPWH ang pondong ginamit sa proyekto. Ganito ang nangyari sa P35 milyong halaga ng elevator na ipinagawa sa Central Luzon.

Sinita ng COA ang pagsasayang ng pondo ng DPWH dahil nakatengga lamang ang mga ipinagawang elevator sa mga pedestrian overpass sa nasabing rehiyon. Inatasan pa nila ang kagawarang pinamumunuan ni Secretary Mark Villar na tigilan na ang pagpapagawa ng elevator sa mga pedestrian overpass dahil pagsasayang lang ito sa pondo ng gobyerno.

Ang pondong ginamit sa proyektong ito, nanggaling sa buwis na binayaran ng mga may-ari ng lahat ng uri ng sasakyan sa bansa. Sa tuwing magre-renew ka ng rehistro ng sasakyan, kasama ito sa binabayaran mo taon-taon.

Sino ba ang nagpauso ng mga pedestrian overpass na may elevator? Hindi ko rin alam. Pero may ilang taon na ang nakaraan, kapag napapagawi ako sa bandang Las Piñas, may mga sosyal na pedestrian overpass tayong nakikita ‘dun.

Kung hindi ako nagkakamali, may elevator o escalator na ginagamit sa overpass. Hindi lang ako sigurado kung nagagamit pa rin ito ngayon.

Masakit sa isang taxpayer na makita ang binayad nilang buwis na napupunta lang sa wala. Mas masakit kung malaman nating napunta lang sa bulsa ng ilang tiwali. Masakit din kung hindi natin alam kung saan napupunta ang ibinabayad nating buwis. Mabuti na lang at ginagampanan ng COA ang kanilang trabaho.