Abante Tonite Interactive

Nakakalbong kilay

263

Naglalaglagan ba ang buhok mo sa kilay o ang pilik-mata? Baka mayroon ka nang kondisyong tinatawag na madarosis.

Ang madarosis ay maaaring makaapekto sa lahat – babae man o lalaki. Ito ay nangyayari dahil sa blepharitis o pamamaga ng talukap ng mata, trauma o nagkaroon ng sugat o pisikal na problema ang mata at kilay, maaaring nagkaroon ng bacterial, fungal o viral infection tulad ng herpes simplex, HIV, syphilis at ringworm, maaaring may sakit na ketong, o kapag nagpapa-chemotherapy, radiotherapy, o kahit laser treatment.

Maaari ring magkalaglagan ang pilikmata at kilay kung may mental health na tinatawag na trichotillomania o kusang hinihila ang mga buhok sa mata at kilay.

May mga gamot din na maaaring maging dahilan ng madarosis tulad ng botox, anticoagulants, anticonvulsants at androgens.

Ang mga may psoriasis, hypothyroidism, hyperthyroidism, atopic dermatitis at rosacea ay maaari ring magkaroon ng madarosis.

Maaari namang magamot ang problemang ito basta’t matutukoy kung saan ito nanggagaling. Reversible ang paglaglag ng kilay at pilikmata kung na­nanatiling buhay ang tinutubuan ng buhok (non-scarring). Malaking problema kapag malaki ang damage sa kilay o mata at ‘di na makakatubo pang muli ang buhok.

Kailangan ding kumpleto ang nut­risyon ng katawan – carbohydrates, proteins, fats, vitamins, minerals at amino at fatty acids.

Kung may madarosis, kaila­ngang dagdagan ang pinagkukunan ng vitamin A at zinc, biotin o vitamin B7, vitamin C para sa collagen development, iron, vitamins E, D at B12, cysteine, at omega 3 fatty acids.

Iwasan din ang sobrang stress at pag-aalala dahil ang mga psychological changes na ito ay maaaring maging dahilan ng pagbaba ng hormone levels at oxy­gen patungo sa pinagtutubuan ng buhok.

Huwag ding bunot nang bunot ng kilay dahil maaaring ma-trauma ang inyong kilay. Iwasan din ang sobrang makeup sa mata at sa kilay.

Kapag natukoy na ang problema na nagsasanhi ng madarosis, maaaring magreseta ang doktor ng mino­xidil para sa hormonal problem, corticosteroids para sa inflammation problem, acupuncture, contact-sensitizing chemicals, castor oil para sa muling pagtubo ng buhok, at eyebrow transplant na para ring scalp hair replacement.

Upang protektahan naman ang pilik-mata mula sa impek­syon, kumuha ng isang cotton bud, isawsaw sa kaunting baby shampoo at tubig, ikaskas nang bahagya sa pinagtutubuan ng pilik-mata at saka hilamusan. Para naman maprotektahan ang kilay, maaaring maglagay ng castor oil gabi-gabi at maglagay muna ng petroleum jelly bago mag-kilay.