Abante Tonite Interactive

Nakanselang kasal

326

Tanong ko lang po, ano po ang ibig sabihin ng aking panaginip? Ikinakasal daw po ako na naka-gown na puti tapos kita ko po ang mukha ng mapapangasawa ko at kilala ko po siya. Pero hindi po natuloy ang aming kasal. Putol po ang nangyari sa panaginip ko. Ano po kaya ang ibig sabihin nu’n?

Kung nakita mo ang sarili mo na naghahanda para ikasal, indikasyon ito na sa aktuwal na buhay ay nag-aalala ka sa isang parating na malaking pangyayari. Halimbawa dito kung may pinasok o papasukin kang isang bagong relasyon. Sa anumang sitwasyong ito, hindi ka pa komportable at ipi­nakita ito ng iyong panaginip.

Maging ang hindi natuloy na kasal sa panaginip ay indikasyon din na hindi ka pa handa sa sitwasyong pinapasok mo. Ang nakanselang kasal sa panaginip ay ikinokonek sa pagdadala­wang isip mo na pasukin ang isang commitment.

Abante Hiring – IT dep

Kung wala ka pang kapartner sa buhay, maaring ipinapaalala ng iyong subconscious na kinatatakutan mo ang mga seryosong commitment at ito ang dahilan kaya wala ka pang minamahal. Alam ng subconscious mo na hindi ka pa handa.

Pag-aralan ang kasalukuyang pinagdaraanan. Kung may kinalaman ito sa isang bagong relasyon, malinaw na may pag-aalinlangan ka. Emotionally, hindi ka pa handa sa pinapasok mo. Puwede ring sabihing napipilitan ka lamang sa gagawin o ginagawa mo.

Ang damit pangkasal ay konektado rin sa pakikipagrelasyon. Nakita mo ang sarili mo na nakasuot nito at indikasyon ito na pinag-aaralan mo kung ano ang iyong perso­nal na pakikipagrelasyon sa aktu­wal na buhay.

Sa iyong panaginip, ano ang iyong naramdaman sa kabuuan? Nalungkot ka ba na hindi na­tuloy ang kasal o nakahinga ka pa nang maluwag? Ang magi­ging kasagutan mo sa tanong na ito ay magagamit mong basehan kung ano ang nararamdaman mo sa sitwasyon mo sa aktu­wal na buhay.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.