Abante Tonite Interactive

Nakapatay ng ahas

682

Dear Dream Catcher,

Gusto ko lang po sanang tanungin kung ano ang ibig sabihin ng aking panaginip ng may isang itim na ahas sa aking harapan na umiikot nang papalapit na sa akin. Natakot ako at sinabihan ko daw sina Mama at ang kapatid ko na may ahas na muntik na akong matuklaw. Palapit na sa akin ang ahas at nakita ko ang malaki niyang pangil. Bago pa makapunta sina Mama sa kinatatayuan ko ay bigla ko daw napatay ang ahas. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Stacey

Dear Stacey,

Ang panaginip na may ahas na nagtatangkang tumuklaw o kumagat sa iyo ay representasyon ng iyong kinatatakutan o pinangangambahan sa buhay. Ito’y puwedeng takot sa isang sitwasyon o takot sa isang tao.

Sa mga sinaunang paniniwala, ang ahas ay sumisimbolo sa suwerte, kasaganaan at maaari ring sa talino, depende sa kung anong sitwasyon ng ahas sa panaginip.

Sa iyong panaginip, natakot ka sa ahas at humi­ngi ka ng tulong sa iyong ina at ka­patid pero bago pa man sila nakalapit sa iyo para saklolohan ka ay nagawa mong patayin ang ahas. Kung ang ahas ay ikokonek mo sa isang bagay, tao o sitwasyon na nagdudulot sa iyo ng takot, ang iyong pana­ginip na napatay mo ito ay indikasyon naman na meron kang lakas para talu­nin ang takot na ito. Kung ang iyong panaginip ay mensahe ng iyong subconscious sa isang sitwasyong nagdudulot sa iyo ng takot, malinaw na sinasabi ng iyong subconscious na nasa iyo ang paraan para mangibabaw sa sitwasyon.

Maraming tao sa iyong pa­ligid na puwede mong mapagkunan ng suporta tulad ng iyong magulang at iyong kapatid o mga kaibigan. Pero sinasabi rin ng iyong panaginip na kung gugustuhin mo ay hindi mo kailangang magpaalalay pa sa iba dahil may kakayahan kang manalo sa sarili mo ­lamang diskarte.

Sa kabuuan ang iyong pa­naginip ay maituturing na positibo dahil hindi ka nagpatalo sa ahas, hindi ka nagpatalo sa iyong takot. Gamitin itong pampalakas ng loob at isiping anumang sitwasyon mo sa buhay, may kakayahan kang kontrolin ito. ‘Wag magpatalo sa takot!

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng ge­neral information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.