Abante Tonite Interactive

Nakarma ka na – Panelo; Mali ang ginagawa n’yo – Trillanes

By ,
3,646

Naniniwala ang Malacañang na duma­ting na ang karma ni Senador Antonio Trillanes IV. Inihayag ito ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo matapos maglabas ng arrest warrant at hold departure order si Judge Elmo Alameda ng Makati Regional Trial Court Branch 150 laban sa senador.

Ayon kay Panelo, kailangan nang harapin ni Trillanes ang kanyang kaso at tigilan na ang pag-akto bilang biktima ng kawalang-hustisya.

Ginagamit aniya ng senador ang posisyon nito sa Senado para magtanim ng galit at sedisyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa gobyerno.

Binigyang-diin pa ng Kalihim na korte ang humatol kaya hindi nito dapat inaakusahan ng kung ano-ano dahil may ligal na basehan ang kautusan ng hukuman.

“The law of karma as well as of the law has finally caught up with his shenanigans. He has been using his position as senator in planting the seeds of hate and sedition against PRRD and the government,” ayon pa kay Panelo.

Samantala, binigyang-diin naman ni Trillanes na bagama’t may prosesong gumagalaw ay mistulang malapit na umanong maglaho ang kanyang kumpiyansa sa hudikatura.

“Well ang ine-expect sana natin ay gagawin nu’ng hudikatura ‘yung tama, ‘yung hustisya. Kahit gaano paikutin, mali kahit estudyante ng Law would tell you na mali ang ginawa at ginagawa,” diin ng senador.

Nakapaglagak din ng piyansa sa korte si Trillanes na halagang P200,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Aminado rin ito na matapos ang desisyon ng naturang korte ay ina­asahan na niya ang halos kaparehong kautusan mula sa Makati RTC Branch 148 kung saan siya nahaharap sa kasong kudeta.