Abante Tonite Interactive

Nakikipag-away sa kaibigan

161

Sa panaginip ko ay nakikipag-away ako at hindi lamang basta away kundi pisikal pa at talagang sinasaktan ko ang isang kaibigan gayong wala naman akong lihim na galit sa kanya…

Ang isang bayolenteng panaginip tulad nang panununtok, paninipa, nakikipagsabunutan o maaaring nasa akto kang halos pinapatay mo na ang kaaway mo sa panaginip ay talagang nakakabalisa lalo na’t sinabi mo nga na wala ka namang lihim na galit sa taong iyong na­panaginip.

Subalit ito’y hindi naman literal na gusto mong maging bayolente sa taong napanaginip mo. Sa halip ang iyong pana­ginip ay simbolo na may pilit kang nilalabanan at sa kasalukuyan ay hindi mo pa ito ganap na maunawaan.

Ang isang pag-aaway sa panaginip ay maaaring nag-ugat sa emosyunal na komprontasyon. Kung puno ng tensyon ang buhay mo, hindi kataka-takang managinip kang nakikipag-away. Puwede ring nasosobrahan ka na sa trabaho at nakakaramdam ka ng galit dahil hindi mo puwedeng kontrahin ang nangyayari sa iyo. At puwede rin namang nakaranas ka ng matinding pagkabigo kung saan normal na reaksyon ang ma­galit at maging bayolente.

Posible ring nakakaramdam ka na tila may nagbabanta o kumaka­laban sa iyo kaya nakakaramdam ka ng bayolenteng damdamin. At dahil hindi mo ito mailabas sa aktuwal na buhay, luma­labas ang bayolenteng reaksyon sa panaginip.

Simbolo rin ito ng conflict na nararamdaman mo sa sarili. May dapat ka bang pagdesisyunan na hanggang ngayon ay pilit­ mong isinasantabi dahil ramdam mong hindi ka pa handa?  Kung may pagla­laban sa iyong emosyon, dito nag-ugat ang bayolenteng panaginip. Kung ganito ang sitwasyon mo, maaaring nangangaila­ngan ka ng taong maka­tutulong sa iyo para lagpasan ang yugto ng iyong pagdadalawang-isip.

Maaari rin na bago nangyari ang iyong pana­ginip ay napasabak ka sa isang argumento at itinu­loy lamang ng subcons­cious mo kung anong gusto mong gawin—ang maging pisikal—na alam mo namang hindi mo magagawa at hindi mo gagawin sa totoong buhay.

Pag-aralan ang sarili, balikan ang mga nangyari sa iyo sa mga nagdaang araw at dito mo matutukoy at mauunawaan kung saan nanggaling ang ba­yolente mong panaginip.

 ***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng ge­neral information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, sumulat sa dreamcat­cher@abante-tonite.com.