Abante Tonite Interactive

Nakipag-away sa bestfriend

120

Napanaginipan kong nagtata­lo raw kami ng bestfriend ko. Nagsisigawan kami hanggang umabot sa puntong nagkakasakitan na kami. Nagising akong parang aktu­wal akong sumusuntok at hingal na hingal ako sa galit. Sa totoong buhay, wala naman ka­ming pag-aaway ng kaibigan ko.

Ang panaginip na nakikipag-away ka ay indikasyon na may nara­ramdaman kang galit. Maaaring hindi naman ito galit sa isang tao kundi galit sa isang sitwasyon. Sumisimbolo ito sa conflict na pinagdaraanan mo, sa iyong sarili.
Maaaring meron kang hindi nareresolbang isyu at iyon ang pinagmumulan ng iyong panggigigil.

Ang ganitong uri ng panaginip ay pangkaraniwan sa mga kababaihan na may pinagdaraanang emosyunal na problema. Pag-aralan mo ang sitwasyon mo, aling bahagi ng iyong buhay ang hindi ka komportable?

Posibleng may matin­ding emosyon na hindi mo mailabas sa aktuwal na buhay pero dahil nasa likod lamang ng iyong isip ito, lumabas ito sa iyong panaginip.

Related Posts

Ang iyong panaginip ay nagpapakita na may pagtatalo sa iyong kalooban at kailangan mong ganap na maunawaan ang pinag-uugatan nito dahil tanging ikaw lamang ang makakaresolba. Ikaw pa rin ang may kakayahang gumawa ng kinakailangang desisyon o aksyon para ganap na mabura ang ganitong uri ng kinikimkim na tensyon.

Kung wala ka namang maikonek na sitwasyon sa iyong buhay para masabing may pinipigil kang matin­ding emosyon, posibleng ang iyong panaginip ay hatid lamang ng stress. Kung masyado kang na-pressure sa mga nagdaang araw at feeling mo ay gusto mo namang makahinga at makawala sa pressure, maa­aring dito mo maikonek ang iyong panaginip na nakikipag-away ka sa iyong bestfriend.

Mas makabubuti rin na maihinga mo sa sinumang taong pinagkakatiwalaan mo anumang nakakagulo sa iyong isip at nagdudulot ng tensyon sa isip mo. Hindi masamang ikuwento sa iyong bestfriend ang iyong napanaginipan para magkatulong ninyong una­wain ang anumang pinagdaraanan mo. Alalahaning kung may higit na nakakakilala at nakakaunawa sa iyo, walang iba kundi ang bestfriend mo.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.