Abante Tonite Interactive

Nakipagkita sa asset, bungo ng parak pinasabog

0 310

Nasawi ang isang intel operative ng pulisya nang tambangan at pagbabarilin sa ulo ng apat na armadong kalalakihan matapos makipagkita sa kanyang asset sa Taal, Batangas, Lunes nang umaga.

Kinilala ng Taal police ang nasawi na si PCMS Robert Marqueses Arriola, nakatalaga sa Alitgtag municipal police station at residente ng Bayan ng San Luis.

Ayon sa pulisya, alas-6:30 nang umaga nang makita na lamang na nakabulagta ang pulis sa tabi ng kanyang nakatumbang motorsiklo sa kalsada sa Brgy. Bihis. May dalawang tama ito ng bala sa ulo.

Posible umanong ina­bangan ng mga suspek ang biktima at pinagbabaril nang ito ay papauwi na.

Ayon kay PMaj. Fernand Segundo, hepe ng Taal police station, bago nasawi ang biktima ay nagpaalam ito sa kanyang hepe na makikipagkita sa kanyang asset sa hindi tinukoy na lugar.

Sa follow-up operation, naaresto naman ang dalawa sa mga suspek na kinilalang sina Dexter Mendoza at Rodolfo Caraos. Pinaghahanap naman ang dalawang kasabwat na sina Nonimar Zarra at Jaypee Caraos.

Narekober din kay Mendoza ang .9mm baril na service fire arm ng biktima. (Ronilo Dagos)