Abante Tonite Interactive

Nakipaglamay hinila sa hukay

By
553

Nabulabog ang isang lamayan nang duguang bumulagta sa tabi ng kabaong ang isang kolektor na nakikipaglamay sa namatay na lolo ng kaibigan, makaraang malapitang barilin ng hindi pa nakikilalang ‘gunman’ kamakalawa nang gabi sa Quezon City.

Kinilala ni P/Supt. Joel A. Villanueva, hepe ng QCPD Batasan Police Station 6, ang biktima na si Michael Sta. Renala Nadayao, 45-anyos, empleyado ng lending company at nakatira sa No. 13 Bill St., Ballon Compound, Talanay, Brgy. Batasan Hills ng nasabing lungsod.

Si Nadayao ay namatay noon din sanhi ng tinamong isang tama ng bala sa ulo ng kalibre .45 na baril.
Sa report ni PO1 Christian Loyola ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang pamamaril ay naganap dakong alas-11:30 nang gabi sa No. 132 Livelihood St., Area C. Talanay, ng nasabing barangay.

Batay sa pahayag sa pulisya ni Marvin Berico, abala siya sa pag-aasiste sa mga nag­lalamay sa kanyang lolong namatay na nakilalang si Eleuterio Octavio, nang makarinig siya nang alingawngaw ng putok ng baril at doon ay nakita niyang biglang duguang bumulagta ang biktima sa tabi ng kabaong.

Agad namang tumakas ang namaril at dahil sa takot na madamay ang ilan pang naglalamay sa patay ay nagsitakbuhan na rin ang mga ito papalabas sa nasabing tahanan.

Nakasamsam ang Scene of the Crimes ­Operatives (SOCO) team sa pamumuno ni P/Chief Insp. Nelson Sta. Maria ng isang basyo ng bala ng .45 kalibreng baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Masusi pang iniim­bestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na krimen upang makilala ang sa­larin.