Abante Tonite Interactive

Nakulong sa isang kuwarto

115

Napanaginip ko pong nakulong daw ako sa isang kuwarto. Hindi ko kilala ang kuwarto basta isa siyang kuwartong walang laman at wala ring bintana. At sa panaginip ko, tina-try kong buksan yung doorknob pero nakalock siya. Wala naman akong makita kahit isang bagay na puwedeng gamitin para mapuwersa ko ang pagbukas. Nang ma-realize kong hindi na ako makakalabas, nagpanik ako at dito naman ako nagising.

Ang iyong panaginip na nakulong o na-trap ka sa isang kuwarto ay mensahe na sa aktuwal na buhay ay may ganito tayong pakiramdam. Maaring ikaw ay nasa isang sitwasyon na hindi mo gusto kung saan hindi ka makawala.

Pag-aralan mo ang tunay mong kalagayan. Ikaw ba ay nasa isang relasyon kung saan pakiramdam mo ay nasasakal ka pero wala kang ibang opsyon para kumawala? Puwede ring sa isang trabaho na hindi mo na gusto pero dahil wala kang ibang mapapasukan pakiramdam mo ay nasu-suffocate ka na pero hindi mo magawang mag-resign dahil kailangan mong kumita.

Saang bahagi ng buhay mo meron ganitong feeling tulad sa iyong panaginip kung saan gusto mong lumabas pero hindi mo magawa. Ikaw lamang ang tanging makakatukoy niyan dahil ikaw ang higit na nakakakilala sa sarili mo.

Ang ganitong panaginip ay puwede ring indikasyon na gusto mong magkaroon ng pagbabago sa buhay mo. Hindi ka kuntento sa anumang kinalalagyan mo at gusto mong may mabago rito. Kaya sa iyong panaginip ay nagbigay ng mensahe ang iyong subconscious na nakakulong ka at gusto mong makawala.

Pero ang ganitong panaginip ay puwede ring indikasyon na meron kang kinakaharap na responsibilidad pero inaayawan ito ng isip mo. Halimbawa sa isang relasyon kung hindi ka pa handa sa susunod na level pero kailangan mo nang gawin ito. Kung sa isang romantikong relasyon, halimbawang napipilitang kang magpakasal kahit paki­ramdam mo ay hindi ka pa handa. Ang ganitong panaginip ay posible.

Maaaring ang iyong subconscious mind ay nakikipaglaban, umaayaw sa anumang kinasusuu­ngan mong sitwasyon sa buhay kahit sa aktuwal ay hindi mo ito nararamdaman. Sa likod ng iyong isip, ito ang katotohanan.

Sa kabuuan, ikaw rin ang makakapagbigay ng eksaktong kahulugan ng iyong panaginip at kung may magagawa ka para maging mas katanggap-tanggap para sa iyo ang anumang sitwasyon mo sa buhay, gawin ito para sa ikatatahimik ng iyong isip.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.