Abante Tonite Interactive

Nalagasan ng boses

By
571

Kung biglaan at big­laan nang pagkamatay ang pag-uusapan, isa na siguro sa talagang masasabing ‘untimely’ ay ang pagpanaw ng dating National Security Adviser at dating kongresista na si Roilo Golez.

Maaaring ilan lang ang nakakaalam pero ang pangalan ni Golez ay hango sa dalawang lalawigan na pinagmulan ng kanyang mga magulang; ang Romb­lon [na lalawigan ng kanyang ina] at Iloilo [na lalawigan ng kanyang ama]. Kahit sa Parañaque siya naging kongresista, sa Looc, Romblon naman siya isinilang.

Kaya naman hindi nakapagtataka na isa sa mga huling Twitter post niya ang larawan ng Cantingas river o falls sa San Fernando, Sibuyan sa Romblon na may caption na; “PHI­LIPPINES, MY PHI­LIPPINES. BEAUTIFUL PHILIPPINES.”

Abante Hiring – IT dep

Aba’y kahit sa kanyang huling tweet, naipakita pa rin ni Golez ang pagmamahal niya sa kanyang lalawigan, at higit sa lahat, sa ating bayan. At nilisan niya sa mundo, isang araw bago guni­tain ang Araw ng Kalayaan.

Kung buhay nga lang siya, malamang na magandang itanong sa dating kongresista kung lubos ba ang kalayaan ng bansa sa harap ng ginagawang pang-aagaw ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas; at sa nagiging paraan ng kasalukuyang gobyerno sa pagtugon sa usa­ping ito?

Katunayan, isa pa sa huling post ni Golez sa kanyang Twitter ang apela sa pamahalaan na iprotesta at ipaglaban ang karapatan ng mga mangingisdang inaagawan ng mga tauhan ng Chinese Coast Guard ng mga huli nilang isda at gamit sa pangisda sa Scarbo­rough Shoal.

“Mr. President, Sir, I appeal to you to order the filing of a strong, publicly announced diplomatic protest. I believe Chinese Coast Guard personnel not only violating our Exclusive Economic Zone but also committing acts of piracy,” nakalagay sa caption ng Twitter post ni Golez habang makikita ang larawan ng mangingisdang Pinoy.

Aba’y sabi ng kalihim na ‘funny walain’ sa China at maging ng Department of National Defense, regular daw ang pag-monitor nila sa mga teritoryo natin sa WPS. Pero bakit hindi nila alam na may insidente ng pangu­nguha ng Chinese Coast Guard sa mga huling isda ng mga Pinoy? Bakit kapag may naiulat na aktibidad ang China sa lugar, laging ang tugon nila eh “will verify?” Bakit parang nagiging spokesperson sila ng China na pinapakalma ang isyu kapag may balitang naaagrabyado ang mga Pinoy at Pilipinas?

Buweno, sino nga ba naman hindi ka magugulat sa biglaang pagpanaw ni Golez na isa sa mga panguna­hing kritiko ng China sa pang-aagaw sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea, bago kasi siya inatake sa puso at pumanaw, nakatakda pa sana siyang makapanayam ng media. At malamang, isyu ng West Philippine Sea at Independence Day ang kasamang maitatanong sa kanya.

Kahit may edad na si Golez [71] at may mga sakit na rin gaya ng diabetes, masasabing sa pisikal na anyo ay mukhang fit siya gaya ng iba pang military officer na kasabayan niya. Hindi tulad ng iba na naratay muna sa ospital bago suma­kabilang-buhay, siya, nakatakda pang ma-interview at bigla na lang inatake sa puso at ilang saglit pa ay binawian na ng buhay.

Marami ang nanghihinayang sa pagkawala niya lalo na ngayong mainit pa rin ang usapin ng West Philippine Sea dahil ika nga, isa siya sa mga maituturing ‘credible’ at ‘may laman’ kapag nagsalita tungkol sa usapin bilang dating national security adviser, matagal na naging mambabatas, at nagtapos sa Naval Academy sa US.

Isa rin sa mga mariing kinondena ni Golez ang pagpapakita ng China kanilang long range bomber sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea, kung saan bahagi ang West Philippine Sea. Hindi lang daw ito banta sa seguridad ng Pilipinas kung hindi maging sa iba pa nating kapit-bansa na karibal din ng China sa ilang bahagi ng kontrobersyal na karagatan.

Para sa kanya, hindi dapat ipagpalit ng pamahalaan ang ‘territorial integrity’ ng bansa sa anumang paki­nabang sa ekonomiya. Aanhin mo nga naman ang yaman kung wala ka namang dangal? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”