Abante Tonite Interactive

Namatay na lady caddie; Misteryo sa Valley Golf & Country Club

By
32

Palaisipan sa pamilya ang maagang kamatayang sinapit ng isang 19-anyos na babaeng golf caddie na umano’y nahulog sa cart at mabagok ang ulo sa Valley Golf and Country Club sa Antipolo, Rizal kamakailan.

Oktubre 17 nang masawi ang biktimang si Princess Jen Parilla at apat na araw na itong nakaburol sa kanilang bahay sa San Jose, Antipolo ngunit wala pa ring linaw ang sanhi ng kamatayan ng lady caddie.

Hustisya ang hiling ng ina ng biktima na si Emma Parilla dahil hindi niya matanggap ang sinapit ng anak nang makita niya itong puno ng pasa at sugat sa buong katawan.

May hinala ang pamilya ng biktima na ginahasa ito dahil kung ibabase umano sa incident report ng pinagtatrabahuang Valley Golf and Country Club kung saan ay mahigit isang buwan pa lamang itong nagtatrabaho ay nabagok daw ang ulo ng biktima makaraang mahulog sa cart habang nagsisilbi sa isang miyembro ng golf club.

Hindi rin naniniwala ang asawa ng biktima na si Jimboy Afable dahil agad umano itong pumunta sa pagamutan at nakita ang sitwasyon ng asawa na tadtad ng pasa sa katawan.

Nauna rito ay nagsabi umano ang biktima sa kanyang asawa na may matandang player ang nagkakagusto sa kanya na tila binubuyo pa siya ng dalawang kasama sa trabaho na tinatawag niyang master caddie at pinilit umanong papasukin sa trabaho noong Martes ng umaga.

Samantala, hinihintay pa ng Antipolo Police ang resulta ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) report upang malaman ang tunay na sanhi ng kamatayan ng lady caddie habang inihahanda naman ng pamilya ang kasong rape at homicide dahil hindi sila sang-ayon sa sinapit ng biktima.

Hindi naman isinasantabi ng pulisya ang kaso ng pagkamatay ng biktima dahil maging sila ay naghihintay pa rin ng resulta ng report ng SOCO.

Tinangka namang hingan ng reaksyon ng TONITE ang pamunuan ng Valley Golf sa insidente subalit bigo itong makontak ng may-akda.