Abante Tonite Interactive

Namatayan ng asawa

886

Napanaginip ko pong umiiyak po ako at tinatawag ang pangalan ng asawa ko. Sa panaginip ko, nalaman ko daw na namatay siya at sobrang iyak ko daw at ramdam kong parang ayaw ko nang mabuhay. Pero sa buong panaginip ko naman po hindi ko nakita ang bangkay niya. Paggising ko, kahit alam kong panaginip lang ay hindi ko naiwasan ang kabahan at matakot dahil ayaw kong mamatay ang asawa.

Christina

Ang panaginip na namatayan ka ng sinumang mahal sa buhay ay natural lamang na nakakatakot o nakakabalisa. Pero alalahaning ang kamatayan sa panaginip ay hindi sumisimbolo ng pagkamatay kundi simbolo ng isang malaking pagbabago at isang pagsisimula.

Sa sitwasyon ng buong bansa at buong mundo ngayon dahil sa coronavirus, hindi na nakakapagtaka ang ganitong uri ng panaginip. Araw-araw tayong nakakabalita ng nagkasakit at namatay. Ang mga negatibong impormasyong natutunghayan natin bawat araw ay natatambak sa isip natin. At dahil nag-aalala tayo na isa sa mga mahal sa buhay natin ay magkasakit, maaari itong magdulot ng mga kahalintulad na panaginip.

Ang pagkamatay sa panaginip ay representasyon ng pagtatapos ng isang importanteng bahagi ng iyong buhay. Halimbawa, ang iyong kumpanyang kinabibilangan ay nagsara dahil sa krisis na idinudulot ng COVID-19, puwedeng dito mo maikonek ang iyong panaginip. Puwede rin itong ikonek kung ikaw ay may isang maliit na negosyo na kinailangan mong isara dahil sa pandemic.

Marami pang puwedeng ikonek sa panaginip tungkol sa kamatayan tulad ng pagtatapos ng isang career, pagkawasak ng isang relasyon, biglang pagbabago ng pananaw at iba pa.

Sa kabuuan, walang dapat ipangamba sa iyong panaginip. Panatilihin na lamang ang pag-iingat sa sarili at sa iyong pamilya, pagsunod sa mga restriksyon ng gobyerno at hindi magkakatotoo ang iyong panaginip.
Dream Catcher
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.

Tonite – Wendys Inhouse Ad