Abante Tonite Interactive

Namboso sa amo hinuli sa Cavite

By
842

Sa kabila ng 20-­taong paninilbihan bilang caretaker ng isang 48-anyos na lalaki, hindi ito pinatawad ng kanyang amo nang mahuli nito sa akto na binobosohan siya habang naliligo sa Alfonso, Cavite.

Kasong voyeurism ang isinampang kaso laban sa suspek na si Wilfredo Hernan, 48, may asawa, ng Brgy. Marahan 1, Alfonso, Cavite dahil sa reklamo ni Cindy (‘di tunay na pangalan), 26-anyos, dalaga, ng Alfonso, Cavite.

Sa report ni PO2 Rene Buisa Jr., ng Alfonso Municipal Police Station, dakong ala-una ng hapon nang maisipan ni Cindy na maligo pero sa kalagitnaan ng kanyang paliligo ay naramdaman nito na tila may mga matang nakamatyag sa kanya mula sa siwang ng vent sa pintuan ng kanilang comfort room.

Kumpirmado ang biktima na ang kanilang caretaker ang siyang namboboso sa kanya dahil kabisado niya ang hugis ng mga mata nito na kanyang nakita mula sa vent ng pintuan bukod pa sa wala namang la­laki sa loob ng kanilang bahay kundi ang kanyang lola, tiyahin at ang kanilang caretaker.

Inamin ng suspek ang ginawa at humingi pa ito ng paumanhin pero kinasuhan pa rin ng biktima.