Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Namemeke ng swab test sa Tuguegarao sasampolan

0 256

ALINSUNOD sa kautusan ng Department of Tourism (DoT), nagbabala kahapon ang Tuguegarao City local government unit (LGU) na magsasampa sila ng reklamo sa mga indibidwal na mahuhuling namemeke ng resulta ng kanilang RT-PCR test para makapasok sa mga tourist destination sa bansa.

Ayon kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, ang nasabing kautusan ay ibinaba ni DoT Secretary Bernadette Romulo-Puyat na inaatasan ang Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na habulin ang mga namemeke ng resulta ng kanilang swab test at ang mga gumagawa ng pekeng sertipikasyon.

Ayon sa DoT, mayroon na silang kinasuhang nameke ng swab test result para lang makapasok sa isla ng Boracay kamakailan.

SM food to go Banner Ad

Ayon kay Soriano, sisiyasatin nilang mabuti ang mga RT-PCR ng mga turistang pumupunta ng Tuguegarao City upang mapigilan ang mga pekeng dokumento na posibleng magkalat ng COVID-19 sa nasabing siyudad.

Samantala, sinabi ni Puyat na sinisikap ng pamahalaan na bumaba ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa para muling makabangon ang ekonomiya lalo na sa sektor ng turismo kung kaya’t mahigpit ang kanilang monitoring sa mga turistang nais pumunta sa mga tourist destination.

Hiningi ni Puyat ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga nasasakupan na maging mahigpit sa mga ipinapatupad na health protocols. (Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.