Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Namemersonal ang mga congressman

0 1,064

Sa takbo ng kuwento ni Anakkalusugan Representative Mike Defensor tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN mukhang napepersonal nga ang higanteng istasyon.

Hindi tayo nag-aakusa o nag-iisip ng masama sa mga kongresista dahil nanggaling mismo sa bibig ni Cong. Defensor ang rason kaya hindi matapos-tapos ang isyu sa prangkisa ng ABS-CBN.

Malinaw na sinabi ni Cong. Defensor na may ilan siyang kasama ang may isyu sa ABS-CBN,partikular ang news and public affairs ng istasyon.

May mga congressman daw ang umaangal dahil one sided ang reporting ng news program ng Dos partikular ang TV Patrol.

Ibig sabihin ng sentimenyentong ito ni Cong. Defensor, malinaw nga na hindi ang buwis, problema sa mga tao at kung anu-ano pang sinisilip ang isyu laban sa Dos kundi ang mga politikong ayaw mabanatan kaya gigil silang bumalik sa ere ang ABS-CBN.

Pano ‘yan mga congressman, buking na kayo!

***

Ano kaya ang gagawin ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga courier na katulad ng J&T Express na walang malasakit sa kanilang mga kliyente, kumita lamang ng limpak-limpak na salapi?

Kahit anong paliwanag ng pamunuan ng J&T Express na isolated ang isang kaso ng nabidyuhan, supalpal sila dahil naglabasan ang iba pang video na nagpapakita ng kawalang pakialam ng kanilang mga tauhan sa mga ipinapadala sa kanilang mga package.

Secretary Mon Lopez, huwag naman sana tayong magbulag-bulagan sa ganitong mga kaso dahil napakalaki ng papel na ginagampanan nila sa mga panahon ng pandemya.

Alam kong marami naman kayong mga nakakalat na mga tauhan, kaya sana ay huwag n’yo nang hintaying may mas matitinding kalokohan pang magawa ang courier na ito bago kayo kumilos.

Higit sa lahat ay halos lahat ng tao ay idinadaan sa mga ganitong serbisyo ang kanilang mga kailangan dahil limitado pa rin ang galawan ng mga tao kaya dapat ay madisiplina ang mga courier services na bulok ang serbisyo.

***

Hindi talaga maawat itong si COVID Shield Task Force LT/Gen. Guillermo Eleazar .

Matapos ang matagumpay nyang pamumuno sa binuong task force ng gobyerno para sugpuin ang pagkalat ng corona virus disease ay nakita nating nasa lalawigan na naman ito ng Cebu.

Naging usap-usapan pa ang heneral sa social media dahil animo’y ang Hollywood star na si

Chris Hemsworth ang dating nito habang nagsasagawa ng aerial survey sa Cebu para ma-monitor ang galaw ng mga tao ngayong isinailalim s a lockdown ang lalawigan.

Walang isyu sa istilo ng pagtupad sa tungkulin ni Gen. Eleazar sa tindi ba naman ng problema sa Cebu kung saan ay mahigit sa 5,000 na ang kaso ng COVID positive kailangan pa nyang magpakaang-kaang sa paggalugad sa buong lalawigan?

Hindi na po, lalo na’t matatapos na ang buwan ng Hulyo at kailangan nang matigil ang pagkalat ng COVID sa Cebu.

Leave A Reply

Your email address will not be published.