Abante Tonite Interactive

Namumutla at nanghihina ang anak ko (part 2)

459

Nung nakaraang lingo, nagtanong si Teresa ng Caloocan ng tungkol sa anak niya na nanghihina at na-diagnose na may anemia. Tinalakay natin ang function ng dugo at kung ano ang anemia. Ngayon naman, ang mga sanhi at maaaring gawin pag-usapan natin.

Ang pinakamadalas na sanhi ng anemia ay kakulangan sa nutrisyon, lalong-lalo na sa mineral na iron at paminsan pati ang vitamin B12 o folic acid, kung kaya’t may tinatawag na iron deficiency anemia. Ang mga kundisyon katulad ng pagdadalang-tao ay nagbibigay din ng anemia. Kung mabilisang pagbaba, maaaring aksidente o may kina­laman sa tiyan o bituka katulad ng ulcer na dumudugo (peptic ulcer disease) o ‘di kaya ay may bukol o kanser na umaagaw sa daloy ng dugo kaya hindi umaabot sa nararapat na organs.

Ang bilang ng hemoglobin ang unang tinitingnan sa eksaminasyong CBC ngunit marami pang ibang dapat na gawin para malaman ang pinanggalingan o sanhi ng anemia.Tinitingnan din ang hematocrit, RBC at ang sukat o laki ng aktwal na cells sa pamamagitan ng peripheral blood smear.

Minsan, nagre-request din ng eksaminasyon ng dumi para makita kung may parasitikong nagiging sanhi nito. Maari ding mag-request ng ultrasound, X-rays, CT scan o MRI para makita kung may namumuong dugo o may bukol na siyang sanhi ng hindi magandang daloy ng dugo.

Importanteng malaman ang sanhi ng anemia dahil nakasalalay ang tamang oxygenation at nutrisyon ng katawan natin dito. Kung nutrition ang dahilan, pagkunsumo ng pagkaing mataas sa iron ka­tulad ng mga berdeng gulay, ang kailangan. Iba pang maaring ma­ging source ng iron ay ang karne ng baka, lalo na ang atay; mga legumes gaya ng mga beans at gisantes, pati na ang mga butong kalabasa at flax seeds. Ang oatmeal ay mataas din sa iron. Ang halaan, prune juice at dark cho­colate ay may iron din. Noong u­nang panahon, kinakayas ang mga lutuan na gawa sa cast iron at ito ang ibinibigay sa mga nanghihina. Sa panahon ngayon, hindi naman na kailangang gawin ito dahil may iron supplements na maaaring ibigay. Karamihan sa nagbubuntis ay binibigyan din ng mga iron at folic acid supplements.

Pinapaulit ang CBC makalipas ang isang buwan para malaman kung tumaas na ang hemoglobin. Ngunit kung mababa nang husto, baka may dumudugo sa loob ng katawan na kailangan maresolba agad kung hindi maaapektuhan na ang pagtibok ng puso dahil sa kakula­ngan ng dugo. Kung may tinatawagna active bleeding, kinakailangan magsalin ng packed red cells o baka whole blood na kung naaksidente o ooperahan ang isang tao.

Ang panghihina at pamumutla ay ilan lang sa sintomas ng anemia, kung kakaiba ang nararamdaman natin, magpatingin na agad sa inyong doctor.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigeno­mics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa Delos Santos Medical Center. Speaker sa iba’tibang talaka­yan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ 882 tuwing Linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylan flores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para samgakomentaryo at katanungan.