Abante Tonite Interactive

Namumutla at nanghihina ang anak ko

363

Si Teresa ng Caloocan ay nagtatanong, “nagpamedical exam ang anak ko at sinabihan na may anemia sya, inirekomenda na kumain ng pagkaing mataas sa iron, paminsan ay nanghihina sya, namumutla at pinapawisan ng malamig. Kailangan na po ba niya ng iron supplements?”

Ano ba ang anemia at ano ang naidudulot nito? Para masagot natin, alamin muna natin function ng ating dugo. Ang dugo ay ang likidong umiikot sa loob ng ating katawan para makapagbigay ng nutrition at oxygen. Ito rin ang tumutulong para matanggal ang mga basura, waste materials at toxins sa ating katawan. Halos lahat ng dugo ay likido, ngunit may mga cells at protina na naka suspinde dito kaya mas malapot ito sa tubig, na maa-ring pinagmulan ng kasabihan na “Blood is thicker than water.” Ang pangkaraniwang tao ay may 5 litro ng dugo na umiikot sa katawan nya. Ang tawag sa likido na kalahati ng dugo ay plasma. Nandito ang protina at asukal natin. Ang kalahati naman ay ang mga cells. Platelets ang tumutulong humilom ng sugat kaya nag clot ang dugo (eto rin ang nababawasan pag nagkaroon ng dengue fever). White blood cells naman ang lumalaban sa impeksyon. Ang pinakamadami ay ang red blood cells o pagkapula ng dugo. Ito ang nagdadala ng oxygen sa buong katawan natin hanggang sa kalingkingan ng mga daliri ng kamay at paa. Sa bilang ng red blood cells nakikita ang anemia.

Hemoglobin ang tawag sa eksaminasyon na ginagawa para makita ang dami ng red blood cells. Kasama ito sa Complete Blood Count o CBC. Ang normal value nito ay nasa 13.5 hanggang 17.5 gm/dL sa lalaki at 12.0 hanggang 15.5 gm/dL sa mga babae. Mas mababa ng kaunti ito sa kababaihan dahil sa buwanan silang dinadatnan na nakakaapekto sa bilang nito. Ang pagbaba ng resulta ay tinatawag na Anemia.

Ang anemia ay nangangahulugang pagbaba din ng kapasidad na magdala ng oxygen sa iba’t ibang parte ng katawan natin na maaaring magbigay ng sintomas na panghihina, paghilo, parating pagod, di makaehersisyo ng mabuti, at kapag lumala, maaaring mamutla, malito o confused at puwedeng mawalan ng malay.

Itutuloy po natin ang usapang anemia sa susunod na Huwebes.

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng Internationa­l College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang t­alakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang persona-lidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa
twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.