Abante Tonite Interactive

Nanaginip na nabuhay ang asawa

0 120

Kamamatay lang po ng aking asawa noong December 23 at makailang araw pagkatapos ng libing niya ay napanaginipan ko siya. Nabuhay daw ang asawa ko at kasama ko sa pamamasyal, magkahawak pa kami ng kamay. Pagkatapos tinanong ako ng pinsan ng asawa ko kung paano ko raw po nabuhay ang asawa ko at ang sagot ko po ay “naniwala ako’t nanalig sa kayang gawin ng Panginoon” pagkatapos ay umalis na kami. Nagising na po ako.

Ang panaginip tungkol sa isang namatay na mahal sa buhay lalo na kung kamamatay lamang ay isang malungkot na karanasan dahil sa paggising mo ay lalo kang nangungulila. Subalit ang ganitong panagi­nip ay itinuturing din na isang paraan ng isip para unti-unti mong matanggap na wala na ang iyong mahal.

Sa iyong panaginip, napanaginip mong buhay ang asawa mo at iyon ay dahil ito pa rin ang hinihiling ng puso mo na isang araw ay magigising kang panaginip lang ang kanyang pagkamatay at nandyan pa rin siya sa iyong tabi sa aktuwal na buhay.

Sa iyong panaginip, alam mo rin na namatay na ang asawa mo at nagsalita ka pa nga na nabuhay siya dahil iyon ang pananampa­lataya mo sa Diyos. Pero sa katotohanan ay hindi na magbabalik pa ang iyong minamahal na asawa.

Alam mo bang sa ibang paniniwala ay tinatawag itong “visitation dream?” Pero para ganap na maging visitation dream ang isang panaginip tungkol sa yumaong mahal sa buhay, kadalasan ay kailangang meron siyang naging mensahe sa iyo. At wala namang ganitong nangyari sa panaginip mo. Kaya masasabi nating ang iyong panaginip ay dala lamang ng pangungulila mo sa iyong yumaong kabiyak.

Masakit man, makabubuting unti-unti mo nang tanggapin na hindi na babalik ang iyong asawa at nandoon na siya sa “better place” kung saan walang pain, walang problema at walang anumang alalahanin.

Isaisip mo rin na hindi gugustuhin ng iyong asawa na patuloy kang mangulila sa halip ay mas nanaisin niyang makitang natatanggap mo na ang kanyang pagkawala. Mas magiging magaan para sa iyong asawa na isiping hindi ka nabubuhay sa kalungkutan.

Gaano man kasakit, kailangan mo nang magkaroon ng acceptance. Itutok na lamang ang isip at atensyon sa inyong mga anak at sa mga naiwang pamilya.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang espiritu­wal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher­@gmail.com.