Abante Tonite Interactive

Nanaginip ng pera

7,997

Nanaginip ako na marami akong hawak na pera at masayang-masaya ako sa panaginip. Nalungkot naman ako paggising ko dahil pa­naginip lang pala…

Ang panaginip na nagpapakitang marami kang hawak na pera ay indikasyon na nararamdaman mong malapit mo nang makamit ang tagumpay. Ang pera ay simbolo ng tagumpay at tiwala sa sarili.

Puwede rin namang tagumpay ito sa pag-ibig dahil ang pera ay simbolo rin ng sekswalidad at power.

Kung sa iyong pa­naginip ay nakatagpo ka ng maraming pera, indikasyon ito ng iyong paghahanap sa pag-ibig o kapangyarihan.

Kung napanaginip mo rin na namimigay ka ng pera, ito’y maaaring ikonek sa totoong buhay na nagbibigay ka ng lubos na pagmamahal.

Ang pera sa panaginip ay isang positibong indikasyon. Kung maraming pera ang hawak mo, mas maraming opsyon ang bukas para sa iyo.

Kaya nga ang iyong subconscious ay nagpahiwatig na madali lamang para sa iyo ang magkaroon ng mara­ming pera.

Related Posts

Kadalasan ding mga kabataan ang nanana­ginip ng pera dahil nakikita nilang maganda at positibo ang naghihintay sa kanilang kinabukasan.

Kung sa panaginip mo ay halos hindi ka magkandatuto sa pagbibilang ng hawak mong pera, indikasyon ito na marami kang enerhiya at punumpuno ng mga ideya na puwede mong magamit para mas mapagbuti pa ang iyong buhay, ang iyong career.

Kung ang pera ay natagpuan mo lamang at hindi malinaw kung paano ito napunta sa iyong kamay, sumisimbolo ito sa material gain at kasiyahan na pumapasok sa iyong buhay.

Dahil confident ka sa anumang nangyayari sa buhay mo, paki­ramdam mo ay kontento ka, masaya at sagana na siyang isinisimbolo ng natagpuan mong mara­ming pera.

Kung ang pera ay nakalatag lamang sa sahig, power ang kahulugan nito. Ang power na ito na pakiramdam mo ay tinatamasa mo sa aktuwal na buhay ang nagbibigay sa iyo ng kasiyahan.

Kung nasa bag o nasa isang baul naman ang pera ay sinisimbolo nito ang paghahanap mo sa tagumpay, pag-ibig o isang mas malalim na koneksyon.

Sa positibong indikasyon ng iyong pana­ginip, nalungkot ka man sa iyong paggising dahil panaginip lamang ang lahat, dapat mo pa ring ipagsaya na sagisag ito ng pagiging kuntento sa nangyayari sa iyong buhay.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER  ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panagi­nip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispirituwal na aspekto ng buhay.  Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.