Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nanakit ang kasu-kasuan sa sarap ng Pagkain

0 81

Karaniwan sa ating mga Pinoy ang pagkain at kumain ng mga masasarap na pagkain. Taglay ang galing sa pagluto kaya naman kahit sa ibang bansa ay nagugustuhan ang ating local delicacies. Sino nga ba naman hindi mabubusog pag hainan ng adobo, sinigang, estofado, sisig, papaitan, at iba pa. Kung minsan nasasamahan pa ng cerveza kaya’t solb na solb ang kainan. Ngunit may ilan sa atin na kung minsan pagkagising ay nananakit ng todo ang kasukasuan, lalong lalo na ang unang hinlalaki ng paa. Namamaga ang mag ito, mahapdi at hindi maiapak man lang ang talampakan. Hindi malayong inaatake na ng gouty arthritis. Alalahanin natin na hindi lahat ng kirot sa ating joints ay pagkain ang dahilan. 60-70% ng pagkakataon, ang pananakit ay ang wear and tear at pagtanda ng katawan at kasukasuan. Ito ang degenerative osteoarthritis na walang kinalaman sa pagkain. Maski ano pa ang kainin, hindi makakaapekto at makadaragdag sa kirot. Hindi katulad ng gout na syang pangunahing dahilan ay ang pagkain ng masarap.

Ang gout ay nanggagaling sa pagtaas ng uric acid levels sa ating dugo. Nakukuha ito sa pagkain ng mga laman loob, beans at gulay na may mga buto o legumes, nuts, canned goods, at paginom ng nakalalasing na mga inumin. Kasama na din na makakataas ng uric acid ang alimango, alimasag, hipon ng maski anong laki, mapasugpo o kahit hibi, at pati na kung mapadami nang kain ng karne ng baka at baboy. Ang mga ito ay mataas sa tinatawag na purine na nagiging uric acid. Ito ay naiipon sa mga joints, at pinakamadalas, lalong lalo na sa mga kalalakihan, ay nasa unang daliri sa paa, o ang first metatarsophalangeal joint. Ito ang dugtungan ng daliri sa paa. Pamamaga ang mangyayari kaya masakit. Hindi lang sa paa, maaari din sa ibang joints, sa ankles, tuhod, siko, kamay at mga daliri. May posibilidad din sa loob ng katawan mamaga gaya sa bato o kidneys, mga ugat, pati na sa puso. Ang mga kristal ng uric acid ay maiiwan, at kapag pinabayaan, maiipon at magkukumpulan. Sa mga joints ang tawag dito ay tophi. Mga bukol na mamumuo, lumalaki, at maaaring makaapekto sa kilos at paggalaw. Sa daanan ng ihi pwedeng maging uric acid crystals at bumara sa daloy nito. Ganoon din sa ibang parte ng katawan.

Kinukunan sila ng dugo para sa blood uric acid na eksaminasyon. Ang pagtaas ay makakakumpirma ng gout. Maaaring umpisahan ng mga gamot. Mga anti-inflammatory at mga pampababa ng lebel ng uric acid. Ngunit pinakamahalaga ay ang pag dyeta ng husto. Iwasan ang anumang pagkain na mataas sa purine. Paginom ng madaming tubig at mas maganda makapag detox minsanan sa loob ng isang taon.

SM food to go Banner Ad

Napakasarap kumain, huwag natin hayaang maging hadlang ang pagtaas ng ating uric acid. Magtanong sa inyong mga doktor tungkol dito.

Hanggang sa susunod ! Keep healthy! Stay safe! Get Vaccinated!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.