Abante Tonite Interactive

Nanakit na police off’l sa Traslacion sinipa ni Eleazar

390

Sinibak na sa kanyang posisyon ni NCRPO Director Guil­lermo Eleazar ang isang opisyal ng Manila Police District (MPD) na unang inireklamo ng Conduct unbecoming of an officer, Grave abuse of authority ng tatlong pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa pana­nakit noong nakalipas na Traslacion.

Nabatid na nasa floating status na ngayon­ si C/Insp. Alden Panganiban, nakatalaga sa Gandara PCP pero patuloy pa ring pinaiimbestigahan ni Eleazar ang insidente.

Nangyari umano ang insidente dakong alas-sais nang umaga habang abala ang lahat sa Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa may Quirino Grandstand sa Maynila at ang tatlong pulis ay nakatalaga sa may bandang Escolta.

Sinabi ng mga bagitong pulis mula sa Regional Personnel Holding­ and Accounting Unit at Regional Support Unit ng NCRPO na pinagpapalo umano sila ng kahoy ng opisyal.

Nagalit at nanakit umano ang opisyal nang hindi umano kaagad nila nasunod ang utos nito na alisin ang ilang barikada sa Jones Bridge dahil kailangan muna nila itong ipagbigay alam sa kanilang mga opisyal.