Abante Tonite Interactive

Nanalo sa cara y cruz binaril sa ulo

216

Isang tama ng bala sa ulo ang agad na ikinamatay ng 40-anyos na lalaki habang nasa kritikal na kondisyon naman sa ospital ang kanyang kasama matapos silang barilin ng dalawang suspek na kanilang tinalo sa cara y cruz, Linggo ng madaling-araw sa Quezon City.

Kinilala ang nasawi na si Roel Intuna, nakatira sa Molave Extension, Brgy. Payatas sa nasabing lungsod.

Kritikal naman nang isugod sa East Avenue Medical Center dahil sa tama rin ng bala sa ulo ang isa pang biktima na kinilalang si Jason Bacolano, 31, isang electrician at taga-Payatas din.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Morshid D. Tanog, nangyari ang krimen dakong alas-3:15 ng madaling-araw sa harapan ng No. 10 Rosal St., corner IBP Road sa Brgy. Payatas.

Sa pahayag ng mga nakasaksi sa krimen, naglalaro ng cara y cruz sina Mario Tungcayao at Bacolano nang dumating si Intuna kasama ang dalawang ‘di pa kilalang suspek at tumaya.

Makalipas ang ilang minuto ay bigla na lamang sila nakarinig ng mga putok ng baril at doon nakitang duguang nakabulagta ang mga biktima habang mabilis na tumatakas ang mga suspek.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente. (Dolly Cabreza)