Abante Tonite Interactive

Nanalong kandidato na nasa narco-list ito-tokhang

By
1,964

Tuloy pa rin ang Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP) sa mga nanalong kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na kasama sa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa kanyang press briefing sa Camp Crame kahapon, sinabi ni PNP Director General Oscar Albayalde na ang pagkapanalo ng mga opisyal ng barangay na nasa narco-list ay hindi makakapigil sa pagsasagawa ng mga police operation laban sa kanila.

“Hindi excuse ang pagkapanalo nila sa elections, pwede pa rin sila maging subject of police operations,” pahayag ni Albayalde.

Matatandaang nitong Abril 30 ay isinapubliko ng PDEA ang listahan ng 207 na mga opisyal ng barangay na sangkot diumano sa paggamit at bentahan ng iligal na droga.

Ang 90 porsiyento ng nasabing bilang ay mga barangay chairman umano habang aabot naman sa 117 ay mga kagawad.

Ayon sa PDEA, inilabas nila ang listahan ng mga opisyal ng barangay na sinasabing sangkot sa iligal na droga dahil mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa kanila na ilabas ito sa publiko.

Pero sa ngayon ay hindi pa batid ng ahensiya kung ilan sa mga reeleksyunistang opisyal ng barangay na kasama ang pangalan sa narco-list ang nanalo sa kakatapos lang na eleksyon.